31,169 total views
Aabot sa P1.5 milyong piso na halaga ng gift certificates (GC) ang ipamimigay ng Simbahang Katolika sa mga mahihirap sa paggunita ng World Day of The Poor sa araw ng Linggo ika-13 ng Nobyembre taong 2022.
Ang mga gift certificates mula sa Caritas Manila ay ipinamigay ng Radyo Veritas 846 sa pamamagitan ng public service program nito na “Caritas in Action” kung saan ipinamahagi ang tig-P150 libong piso sa bawat diyosesis sa Mega- Manila.
Bawat napiling pamilya ay makakatanggap ng tig-isang libong piso na GC’s kung saan maari ipamalit o ipamili ng mga benepisyaryo sa isang kilalang grocery store sa bansa.
Ang mga katuwang na Diyosesis ay ang Archdiocese of Manila, Diocese of Cubao, Diocese of Kalookan, Diocese of Novaliches, Diocese of Pasig at ang Diocese of Parañaque mula sa sa National Capital Region.
Napabilang din sa mapagkakalooban ang Diocese of Malolos sa Bulacan, Diocese of San Pablo sa Laguna, Diocese of Imus sa lalawigan ng Cavite at ang Diocese of Antipolo para sa lalawigan ng Rizal.
Ang isang libo at limang daan pamilya na mapagkakalooban ng mga GC’s ay mga mahihirap na maituturing na poorest among the poor o kumikita lamang na mababa pa sa isang libong piso.
Naniniwala ang pamunuan ng Radyo Veritas 846 at Caritas Manila na ang ayudang ito ay bahagi lamang ng patuloy na pagsusumikap ng Simbahang katolika na makapagbahagi ng tulong at pag-agapay sa mga higit na nangangailangan.
Una nang inihayag ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula na ang paggunita ng World day of the poor ngayong taon ay isang hamon sa mga mananampalataya na suriin ang kanilang mga sarili mula sa iba’t-ibang anyo ng kahirapan na kinakaharap sa kasalukuyan.
Isabuhay ang pakikilakbay sa mahihirap, hamon ni Cardinal Advincula sa mga pari
Umaasa si Cardinal Advincula na ang World Day of the Poor ay tunay na magiging makahulugan sa bawat mananampalataya katoliko bilang pagkilala sa katagang ‘Church of the Poor’ ang Simbahang katolika.
“The World Day of the Poor should be the beginning and culmination of all our services to the poor as a Church of the Poor because for our sake, Christ became poor.” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Magugunitang sa kasagsagan ng Covid19 pandemic ay umabot sa 1.3 milyong pamilya ang nakinabang sa ayuda ng Caritas Manila para sa mga mahihirap at mga frontliners.
Unang namigay ng P690, 000 na halaga ng mga gift certificates ang Radyo Veritas kasabay naman ng pagdiriwang ng ika-69 na anibersaryo ng Caritas Manila.
Ang Caritas Manila at Radyo Veritas na kapwa nasa ilalim ng pamamahala ng Archdiocese of Manila ay patuloy na nagtutulungan para gumawa ng mga programa na naglalayong makatulong sa mga may sakit at mga naapektuhan ng kalamidad.