3,550 total views
Ibinahagi ng opisyal ng Pontificio Collegio Filippino na mahalaga ang isasagawang pagtitipon ng mga lider ng simbahan kasama ang Santo Papa Francisco sa Vatican ngayong buwan.
Ayon kay PCF Rector Fr. Gregory Ramon Gaston, ito ang pagkakataong pagnilayan ng simbahan ang iba’t ibang usapin ng pamayanan na sama-samang tatalakayin sa patnubay ng Banal na Espiritu.
“Pope Francis desires that the month-long Synod be a time for prayer and discernment, receiving inspiration from the Holy Spirit. It is not just an international meeting making a decision based on their experiences.” pahayag ni Fr. Gaston sa Radio Veritas.
Apela ni Fr. Gaston sa lahat ng mananampalataya ang panalangin para sa ikatatagumpay ng pagtitipon lalo’t natatangi ito ngayong taon dahil bukod sa mga obispo, inimbitahan din ang ilang pari, madre at layko para sa Synod on Synodality.
“As the delegates reflect on God’s will for the Church, may we also renew our yearning to learn more about God’s teachings by reading the Bible and reviewing the Catechism.” ani Fr. Gaston.
Bago ang simula ng sinodo sa October 4 ay nagsagawa ng spiritual retreat ang mga dadalo sa pagtitipon mula October 1 hanggang 3 habang nitong September 30 ay ginanap naman sa St. Peter’s Square sa Vatican ang pre-synodal Ecumenical Prayer Vigil #Together2023.
Inaasahang nasa 363 voting members ang dadalo sa sinodo mula sa iba’t ibang Bishops’ Conferences na itinalaga ni Pope Francis habang ang ilang dadalo ay bilang “fraternal delegates,” “spiritual assistants,” o “experts and facilitators.”
Pinangunahan ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang delegasyon ng Pilipinas sa Synod of Bishops on Synodality na magtatapos sa October 29.