396 total views
Naglaan ng isang milyong pisong pondo ang Arkidiyosesis ng Lipa sa lalawigan ng Batangas, na gagamitin para sa emergency response effort sakaling tumindi ang pagliligalig ng bulkang Taal.
Ayon sa inilabas na ulat ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC), patuloy pa rin ang Arkidiyosesis sa paghahanda ng ipapamahaging tulong tulad ng mga pagkain at tubig para sa mga apektadong residente.
Nailikas na rin ang nasa 81 pamilya na binubuo ng 407 indibidwal mula sa permanent danger zone at kasalukuyang nasa evacuation centers sa Barangay Tumaway, Talisay, Batangas.
Nakipag-ugnayan naman ang LASAC sa iba’t-ibang parokya at pamahalaang lokal ng Talisay, San Nicolas, Laurel at Agoncillo para sa maayos na pagsasagawa ng emergency response sakaling pumutok ang Taal volcano.
Samantala, nananatili sa Alert level 1 ang sitwasyon ng bulkang Taal makaarang makapagtala ito ng 185 magkakasunod na pagyanig sa loob ng anim na minuto sa nakalipas na pitong araw.
Ayon sa ulat ng Taal Volcano Monitoring Network, mayroon ding pagtaas sa antas ng acidity at temperatura sa main crater lake.
Pinaalalahanan naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang mga residente na mag-ingat sa mga maaaring idulot ng pagliligalig ng bulkang Taal, gayundin ang mahigpit na pagbabawal sa pagpunta sa Taal Volcano Island lalo na sa Permanent Danger Zone.