572 total views
Labis ang papasalamat ng mga diyosesis na naapektuhan ng bagyong Odette sa inisyatibo ng Caritas Manila at Viva Live Incorporated na magsagawa ng isang online concert para sa pagpapatayong muli ng kanilang mga nasirang simbahan.
Ayon kay Cebu Archbishop Jose Palma, sila ay nagagalak sa inisytabo ito ng Caritas Manila at Viva lalo na’t ito ay magsisilbing inspirayon para sa kanilang mga kababayan na naapektuhan ng bagyo.
Sinabi ni Archbishop Palma na ang mithiing ito ng dalawang nasabing institusyon ay maituturing na biyaya sa kabila ng kanilang naging karanasan sa bagyo.
“’Yung ating damayan, ‘yung ating pakikitungo, ‘yung ating effort to assist one another will help us through this crisis due to Odette. This is already a wonderful gesture ngayon pa lang sasabihin ko na maraming maraming salamat for reaching out to the many who were affected by [Typhoon] Odette and I know in his own wonderful way God, will I’m sure reward you and our people who were not lose hope,” pahayag ng Arsobispo ng Cebu.
Ganito rin ang damdamin ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy matapos na malaman ang proyektong ito ng Caritas Manila.
Ayon kay Bishop Uy, naging limitado na ang kanilang pondo dahil sa mga isinagawang relief and rehabilitations efforts sa lalawigan ng Bohol dahilan upang mangailangan sila ng ibayong suporta sa pagpapatayo naman ng mga nasirang simbahan.
Dalangin ng Obispo na maging matagumpay ang online concert.
“We also need to do repairs of our churches damaged by Typhoon Odette, you know very well our financial capacity is quiet limited so we continue to seek help and support for many good people and institutions including Caritas Manila, so we are happy to know about this Padayon concert that you plan and we pray for the success of this online concert,” mensahe ng Obispo ng Diocese of Tagbilaran sa lalawigan ng Bohol.
Isasagawa ang online concert ng Caritas Manila sa ika-25 ng Marso taong kasalukuyan sa pakikipagtulungan ng Viva live Incoporated na inaasahang magtatampok sa ilang mga kilalang mang-aawit sa bansa.
Magugunitang 10 Diyosesis sa Pilipinas ang napinsala ng bagyong Odette noong Disyembre ng taong 2021 kung saan maging ang mismong mga simbahan at kapilya ay hindi nakaligtas sa epekto nito.
Una nang nagpadala ang Caritas Manila ng mahigit sa 20 milyong piso na halaga ng tulong pinansiyal para sa mga apektadong lalawigan.