368 total views
Nagpadala ng dagdag tulong pinansiyal ang Caritas Manila para sa mga biktima ng Bagyong Odette sa Apostolic Vicariate of Puerto Princesa at Diocese of Dumaguete.
Nagkakahalaga ng tig-P400-libo ang ipapadala ng social arm ng simbahan sa dalawang Diyosesis na higit pa ring pangangailangan ang mga pagkain at maiinom na tubig.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, sinabi nitong patuloy ang kanilang pamamahagi ng mga food packs ngunit hindi pa rin ito sapat para sa pangangailangan ng mga higit na apektado ng bagyo.
“Today, nagdistribute na kami ng mga food packs pero dahil nga limited din ang resources namin kaya hindi rin namin mabigyan lahat,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mesiona sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, maliban sa limitadong mapagkukunan, nahihirapan din ang Vicario Apostoliko sa pamamahagi ng tulong dahil sa lawak ng saklaw na dapat tulungan sa Southern Palawan kumpara sa mga apektado ng mga nagdaang sakuna.
“Ang hirap tumulong kasi limited ang resources, ang lawak ng mga gusto mong tulungan. kasi unlike before na tinamaan kami ng bagyo, parang concentrated lang sila sa isang area pero ngayon ang lawak,” saad ng Obispo.
Samantala, sinabi naman ni Dumaguete Bishop Julito Cortes na umabot na sa higit-70 ang nasawi habang 22 naman ang nawawala sa Dumaguete City.
Pagbabahagi naman ng obispo na agad namang tumugon ang diyosesis sa pangangailangan ng mga biktima ng Bagyong Odette.
Ayon kay Bishop Cortes, bukod sa pagkain at tubig, pangangailangan din ng mga biktima ang mga first aid kit at mga trapal na maaaring masilungan ng iba pang nagsilikas.
“Kailangan nila ang mga medical kits at trapal dahil lalo na sa northern parishes na nagkaroon ng storm surge,” pahayag ni Bishop Cortes.
Nagpapasalamat naman sina Bishop Mesiona at Bishop Cortes kay Caritas Manila executive director Father Anton CT. Pascual sa patuloy nitong pagpapaabot ng suporta lalo na sa mga higit na apektado ng nagdaang sakuna.
Sa kabuuang bilang, umabot na sa halos 10-milyong piso ang naipadalang tulong ng social arm sa mga diyosesis na higit na apektado ng Bagyong Odette sa Visayas, Mindanao, at Palawan.
Batay sa tala, P2-milyon ang ipinadala ng Caritas Manila sa Diyosesis ng Surigao sa pamamagitan ni Fr. John Young, pangulo ng Father Saturnino Urios University ng Butuan City.
Tig-isang milyong piso ang mga Diyosesis ng Tagbilaran, Maasin, Talibon, at Kabankalan, gayundin ang Arkidiyosesis ng Cebu at Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan.
Habang P500-libo naman ang pinadala sa Arkidiyosesis ng Cagayan De Oro.