13,121 total views
Inihayag ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) na naranasan ng nasa 10 milyong katutubo sa bansa ang pinakamatinding kahirapan sa loob ng isang dekada sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon sa LRC Campaigns Support and Linkages Coordinator Leon Dulce, tumaas ng 79-porsyento ang antas ng kahirapan sa mga katutubo mula sa 70-porsyento noong 2013.
Sinabi ni Dulce na sa pananaw ng nga katutubo, ang kasalukuyang kalagayan ng bansa ay patuloy na kahirapang bunsod ng diskriminasyon sa iba’t ibang aspeto.
“For indigenous people, the State of the Nation is a constant state of impoverishment rooted in systemic discrimination over public services, land and natural resource conflicts, and a chronic agricultural crisis,” ayon kay Dulce.
Napag-alaman sa pinakabagong datos na nakalap ng LRC na ang mga katutubo ay nahaharap sa 10-porsyentong agwat sa pagkakaroon ng access sa mga pangunahing pampublikong serbisyo kumpara sa mga hindi katutubo, kabilang dito ang mahahalagang serbisyo tulad ng tubig, kuryente, kalinisan, edukasyon, at seguridad sa pagkain.
“With more than half of indigenous peoples being employed in agriculture, their subsistence and livelihoods already affected by persisting inflation further suffered from the lack of anticipatory interventions from public authorities to El Nino. Government assistance so far is roughly just 38% of the almost P10 billion agricultural damages tallied in the country,” saad ni Dulce.
Iginiit din ni Dulce na sa mahigit 1.3 milyong ektaryang lupain ng mga ninuno na nasangkot sa alitan, lalo na sa malawakang pagmimina, ang pagkilala at proteksyon ng mga ninuno ay dapat mapabilis upang mabigyan ng pagkakataon ang mga katutubong komunidad na mapanatili ang kanilang kabuhayan.
Dagdag ng opisyal na magiging kawalang-katarungan kung ang mahalagang kalagayan ng isa sa mga pinakamahinang sektor ng lipunan ay hindi man lamang mabanggit sa SONA.
Dumalo sa ginanap na SIPA 2024 ang mga lider mula sa 15 tribo at iba’t ibang sektor ng lipunan, kung saan ang gawain ay nagsisilbing pagtutol ng mga katutubo para sa SONA ni Pangulong Marcos Jr.