1,509 total views
Ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi isang palamuti lamang.
Ito ang binigyang diin ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Southwest Luzon Regional Representative Malolos Bishop Dennis Villarojo sa kahalagahan ng ganap na pagsasabuhay sa mga turo o pangaral ni Hesus lalo na para sa nakatakdang halalan sa bansa.
Ayon sa Obispo, hindi lamang limitado sa pagdarasal at paggawa ng mga gawaing pansimbahan ang pananampalatayang Kristiyano sa halip ay nakapaloob mismo sa buhay at pagkatao ng bawat isa.
Ipinaliwanag ni Bishop Villarojo na marapat na maging batayan ang mga turo o pangaral ni Hesus sa pagpili ng mga karapat-dapat na ihalal na pinuno ng bansa.
“Ang ating pananampalataya ay hindi lamang palamuti, hindi lamang ito limited sa pagdarasal at paggawa ng mga gawaing relihiyoso kundi ito ay dapat na isabuhay at nagkukulay din ito sa ating pag-iisip at damdamin kaya kailangan na ang pananampalatayang ito na mga parangal sa atin ng ating Panginoong Hesukristo ay magiging batayan ng ating pagpili [ng ihahalal].”pahayag ni Bishop Villarojo sa panayam sa Radio Veritas.
Inihayag ng Obispo na mahalagang suriin muli ng bawat isa ang Salita ng Diyos partikular na ang Ten Commandments o ang Sampung Utos ng Diyos upang maging batayan sa pagpili ng karapat-dapat na iboto sa darating na halalan.
Ayon kay Bishop Villarojo, dapat na tuwinang isabuhay at isaisip ng bawat isa ang nasasaad sa Sampung Utos ng Diyos partikular na ang huwag pumatay, huwag magnakaw at huwag manirang puri ng kapwa.
Iginiit ng Obispo na dapat ito maipamalas sa pang-araw-araw na buhay, sa pakikibahagi sa iba’t ibang usaping panlipunan lalo’t higit sa pagpili ng ihahalal sa halalan sa ika-9 ng Mayo, 2022.
“Kailangan nating basahin ang Salita ng Diyos na nagsasabi sa atin na maging mabuting tao, ang Ten Commandments na nagsasabing huwag pumatay, huwag magnakaw, huwag manirang puri, itong mga bagay na ito ay dapat isabuhay natin at ang pagsasabuhay na ito ay hindi lamang sa tahanan kundi yung engagement natin yung gawain natin sa lipunan sa lahat ng aspekto ng ating buhay, kaya sa ating pagboboto o pagpipili [ng ihahalal] ay dapat na nakabatay doon sa Ten Commandments.” Dagdag pa ni Bishop Villarojo.
Matatandaang layunin ng inilunsad na One Godly Vote election campaign ng Archdiocese of Manila Commission on Social Communication na binubuo ng Radyo Veritas 846, TV Maria at Manila Archdiocesan Office of Communications ay upang magabayan ang bawat botante sa paghalal ng mga kandidatong maka-Diyos at may hangaring solusyonan ang mga suliranin ng bansa sa maka-Diyos at makataong pamamaraan batay sa Social Doctrines.