199 total views
Umaabot sa P3.6 bilyong ang nailaang pondo ng Caritas Response sa loob ng tatlong taong programa sa mga lugar na labis na nasalanta ng bagyong Yolanda limang taon na ang nakalipas.
Ayon kay Jing Rey Henderson ng Caritas Philippines, ang nalikom na pondo ay mula sa pagtutulungan ng Institusyon ng Simbahang Katolika at 52 Caritas organization sa buong mundo.
“100 percent accomplished natin ang ating proyekto. Sumobra pa nga tayo kasi dun sa ating ginawa hindi lang siya ginawa na itayo ang bahay kundi kasama din yung mga Partner Beneficiaries natin na tinawag na ‘Sweat Equity’ or Counterpart. So instead na magbayad tayo ng mahal sa Labor Course, sa materyales, nakatipid po tayo kaya mas dumami ang ating beneficiaries,” ayon kay Henderson sa panayam ng programang Veritas Pilipinas ng Radio Veritas.
Sa ulat ng Caritas Philippines, may 1.4 na milyong katao ang nakinabang sa proyekto kung saan nakapagtayo ng 7, 373 housing units sa 6 na relocation sites na matatagpuan sa Iloilo, Capiz, Antique, Coron, Cebu, Calbayog at Borongan o mga lugar na labis na napinsala ng bagyong Yolanda.
Ayon pa kay Henderson, bukod pa ito sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga benepisyaryo para sa kanilang kabuhayan upang matiyak ang pagbangon mula sa karanasan ng malakas na bagyo.
Taong 2013 nang manalasa ang bagyong Yolanda kung saan higit sa anim na libo ang naitalang namatay dulot ng bagyo habang naitala naman sa P86 bilyong piso ang nasirang gusali, kabuhayan at mga ari-arian.