139 total views
Suportado ng CBCP – Epicopal Commission on Migrant and Itinerant People ang panukalang inihain ng House Committee on Women and Gender Equality na nagsusulong na habaan ang “maternity leave” at gawing 100 araw.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, dapat bigyang prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga inang nagdadalang – tao sa pagbibigay ng sapat na panahon sa pagliban sa trabaho upang maalagaan ang kanilang sanggol sa sinapupunan.
Nangangamba rin si Bishop Santos na maaaring dumami ang bilang ng mga ina na magkakaroon ng kumplikasyon kung hindi madagdagan ang araw ng pagliban sa trabaho.
Sa ilalim ng Republic Act 1161 o ang Social Security Act of 1997, ang mga buntis ay binibigyan lamang ng 60 – araw na leave sa kanilang normal na panganganak at 78 araw naman para sa mga cesarean section na kung susuriin ay mas mababa sa 98 araw na pamantayang batayan na ibinigay ng I-L-O o International Labor Organization.
“Sa kapakanan ng ina, sa kapakanan ng mga anak na isisilang ay napakaganda na ito ay isabatas. At ito ay malaki ang tulong sa mga nanay at malaki ang tulong sa sanggol. Alam naman natin na 45 days, two months ay kulang na alagaan, ingatan ang mga bata. Sa mga araw at buwan na iyon delikado ang kalagayan ng mga bata at bigyan ng panahon, habaan ang mga araw na sila ay makakapiling ng kanilang mga anak,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid batay sa inihaing panukala sa Kongreso at Senado ay mapagkakalooban ang mga manggagawa na buntis sa fully paid na leave habang sa mga pribadong sektor ay kailangang bigyan ng average na buwanang sahod ang mga inang buntis.
Nangangamba naman ang Sub – Committee on Labor and Management Association of the Philippines na sa naturang 100 araw na paid leave ay maaring ikapalya ng mga kumpanya lalo’t halos kalahati ng bilang ng mga manggagawang Pilipino ay kababaihan.
Nauna na ring gumawa ng isang komisyon ang kanyang Kabanalan Francisco upang mas lalong patatagin ang gampanin ng mga kababaihan sa Simbahan.