448 total views
Magtitipon ang higit sa 1-libong kinatawan mula sa 100 bansa sa lungsod ng Assisi sa Italya upang gunitain ang ‘Economy of Francesco’ (EOF) sa September 22 hanggang 24 na inaasahang personal na pupuntahan ni Pope Francis.
Ayon kay Diego Perez, miyembro ng Latin American Network ng EOF na patuloy ang mga isinasagawang paghahanda ng mga magiging bahagi ng EOF mula sa ibat-ibang bansa.
Ito ang unang beses makalipas ang dalawang taon na gaganapin ang face-to-face pagtitipon upang pag-usapan at isulong ang mga adbokasiya ng EOF.
“We are preparing with the EOF Latin American network a congress that is gonna be replied in many countries,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Perez.
Sa tatlong araw na pagtitipon ay hahatiin ang mga kabataan at ekonomista sa mga grupong ‘Thematic Villages’ na mayroong paksa sa kahirapan, kalikasan at kapatiran upang talakayin ang pagpapanibago ng sistema sa ekonomiya.
“There are thematic villages, Where we work with other members to build a new economy,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Perez.
Sa September 24 o huling araw ng pagtitipon ay nakatakdang magtungo ang Santo Papa sa Assisi upang makibahagi at makipag-diyalogo sa mga dadalong kinatawan ng ibat-ibang bansa.
Taong 2019 ng manawagan si Pope Francis sa mga kabataan at economic leaders sa buong mundo na itatag ang mga inisyatibo na babaguhin ang sistema sa ekonomiya na hindi nakatuon sa personal na paglago at sa halip ay mayroong pagkalinga sa mga nangangailangan.
Matapos ang panawagan ay itinatag ng mga economic leaders mula sa Italya sa pangangasiwa ng Economist na si Luigino Bruni ang EOF kung saan naging bukas ang inisyatibo para sa mga nais makalikha ng pagbabago.
Bunsod ng banta ng COVID-19 Pandemic ay idinaos na lamang online noong 2020 at 2021 ang pagdiriwang ng EOF.
Sa Pilipinas, isa ang Living Laudato Si Philippines sa mga nangungunang organisasyon na taon-taong ginugunita ang EOF kung saan tinitipon ang mga kabataan at ekonomista na nais maging bahagi ng pagpapanibago sa sistema ng ekonomiya.