481 total views
Binatikos ni Father Angel Cortez, OFM ang naging gastos ng pamahalaan sa paghahanda sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nitong Lunes ika-25 ng Hulyo, 2022.
Nagkakahalaga ng P100 milyon ang nagastos para sa pagpapaayos at pagpapaganda ng Batasang Pambansa Complex.
Sa pagninilay ni Fr. Cortez sa ginanap na Misa sa Immaculate Heart of Mary Parish o Claret Church para sa Sibuyan Red Tuesday: Walk for God’s Creation, sinabi nito na hindi makatarungan ang paglalaan ng 100 milyong pisong pondo lalo’t kinakaharap ng bansa ang iba’t ibang krisis.
Ayon sa pari, mas makakabuti kung ginamit na lamang ito bilang pantulong sa mga higit na nangangailangan.
“100 milyong [piso] na pwedeng pakainin ang maraming mga taong nagugutom. 100 milyon na pwedeng makatulong upang bigyan ng hanapbuhay ang mga taong hanggang ngayon ay wala pa ring hanapbuhay,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Cortez.
Iginiit ni Fr. Cortez na ang kahirapang nararanasan ng bansa ang lalong nagbubunsod upang pahintulutan ang pagpasok ng iba’t ibang proyektong sumisira sa kalikasan.
Halimbawa nito ang pagpasok ng kumpanyang Altai Philippines Mining Corporation sa Sibuyan Island sa Romblon na ngayo’y nagdudulot ng pangamba sa mga residente.
“Hindi po natin hahayaan na sa Sibuyan Island ay tatalunin ng iilan lang ang mamamayan na talagang higit na nangangailangan ng pagkalinga ng bawat isa,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Cortez.
Magugunita sa SONA ni Pangulong Marcos, Jr na wala itong nabanggit hinggil sa usapin ng pagmimina ngunit binigyang-diin na dapat mahigpit na sumunod sa batas ang mga kumpanyang nananamantala sa mga likas na yaman ng bansa.