505 total views
Kinilala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commision on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) ang layunin ng Department of Education (DepEd) na maipatupad sa lahat ng paaralan sa buong Pilipinas ang 100% face to face classes.
Ayon kay Bayombong Bishop Elmer Mangalinao, Chairman ng CBCP-ECCCE, kasiyahan ang idudulot ng pahayag para sa mga mamamayan, magulang, guro at mag-aaral na nais ng makabalik sa pisikal na pagdalo sa mga paaralan.
“Sa panukala ng DepEd na magbukas na sa susunod na panturuang taon 2022-2023 na face to face ay napakalaking kasiyahan sa maraming tao ang ganito kaalaman, sapagkat ito ang hinihintay ng marami na magkakaroon na tayo ng face to face schooling ng ating mag-aaral. Welcome gift- welcome announcement yung sinabi nila,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Mangalinao.
Ipinapaalala naman ng Obispo sa mga paaralan na ipatupad parin ng mahigpit ang health protocols upang matiyak na ligtas ang mga guro, mag-aaral at kawani ng paaralan mula sa banta ng COVID 19 virus.
Hinimok muli ng Obispo ang mga magulang at guardians na makikiisa at pabakunahan ang kanilang mga inaalagaang estudyante.
“Isa siguro na napakamagandang magagawa yung talang himukin ang mga bata sa pamamagitan ng pagpayag ng mga magulang na sila ay mabakunahan, kapag ang mga bata ay may bakuna mas malaking porsyento na sila ay hindi matamaan o mahawaan ng mga virus na ito kasi everything is in already in place in most of our schools so we just need to ensure that students will be as healthy as they should,” ayon pa kay Bishop Mangalinao.
Batay sa pinakahuling ulat ni Education Secretary Leonor Briones, 34-libong mga public school at higit sa 1,100-private schools noong May 26 ang nagdaraos na ng face-to-face classes.
Base rin sa datos ng DepEd noong Mayo ay 73.28% na ng mga paaralan sa parehong pribado at pampublikong sektor ang handa ng magdaos ng face-to-face classes.