2,538 total views
Dismayado ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) sa pagkakaloob ng pamahalaan ng 1,000-pesos na inflation rate financial assistance.
Iginiit ni Eufemia Doringo – Secretary General ng KADAMAY na napakaliit ng halaga ng ayudang ipapamahagi kumpara sa napakataas na inflation rate na umabot sa 8.7% noong Enero at nakatakdang pagtataas ng pamasahe sa LRT at MRT.
“Bakit pagdating sa mga maralita’t mahihirap parang sentimo o barya-barya lang yung kailangang ibigay na tulong e mas nangangailangan nga yung mga maralita ng pag-agapay mula sa ating pamahalaan, hindi naman kasi pwedeng sabihin na dahil maralita kami ay hindi kami nagbabayad ng buwis, kahit nga anong bilihin namin ay nadodoble pa, kami nga yung nadodoble-doble yung pagbabayad ng buwis,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Doringo.
Ayon sa mga pag-aaral ng KADAMAY, ang 1,000-pisong financial assistance na ipapamahagi sa loob ng dalawang buwan ay katumbas lamang ng karagdagang 2 hanggang 3 pisong tulong sa pang araw-araw na gastusin ng mga mahihirap.
Umaapela naman si Doringo ng pakikinig sa panawagan ng mga mahihirap na itaas o itakda ang nag-iisang national minimum wage at ibaba ang presyo ng mga bilihin.
Kinundena din ng Thank Tank Group na Ibon Foundation ang nakatakdang pamamahagi ng ayuda na dapat sana’y noong nakalipas na taon pa naipamahagi.
“Huling-huli na actually yung pagbibigay ng ayudang ito, dapat noong nakaraang taon pa naibigay ang ayudang ito, at actually kulang pa siya, so para sa amin ngayon yung usapin ng ayuda dapat medyo iangat yan, alam ko may reaksyon palagi na walang pera yung gobyerno,” ayon sa pahayag ni Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation sa Programang Baranggay Simbayanan.
Ang 1,000-pesos inflation assistance ay mayroong 9-bilyong pisong pondo para sa 9-bilyong mahihirap na pamilya sa bansa.
Ito ay inanunsyo ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno na ipamamahagi sa pamamagitan ng Target Cash Assistance ng Department of Social Welfare and Development.
Una ng nakiisa ang Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern sa mga panawagang itaas ang suweldo ng mga manggagawa at makinig sa hinaing ng mga mahihirap at iba pang sektor ng lipunan na nararanasan ang krisis sa ekonomiya.