476 total views
Iminungkahi ng Ibon Foundation ang pamamahagi ng 10-libong pisong financial aid sa bawat pamilyang apektado ng pandemya at paqtaas ng inflation rate.
Ito ay bilang hakbang upang maibsan ang pag-taas ng mga presyo ng mga bilihin at paghina ng demand ng mga mamimili dahil sa pagkawala ng kabuhayan at trabaho ng maraming mamamayan.
Ayon kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, matutulungan ng financial aid ang sektor ng mga Micro Small and Medium Enterprises (MSME).
“Una ay magbigay uli ng ayuda — Php10K kada pamilya sa 3 buwan. Malaking tulong ito sa kanila maging udyok sa mga MSME at ekonomiya,” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Africa.
Nanawagan din ang Ibon Foundation ng pagtatanggal ng excise tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.
Ito ay upang matulungang bumaba ang presyo ng mga bilihin na kinakailangan gumagamit ng mga produktong petrolyo sa production process.
“Ikalawa ay tanggalin ang pinataw na excise tax sa mga produktong petrolyo. Mapapababa nito di lang ang gastos ng mga pamilya sa LPG, diesel, kerosene atbp kundi mababawasan din ang inflation sa pagbaba ng costs of production,” pagbabahagi ni Africa.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika, mahalaga na isaalang-alang ang kabutihang pangkalahatan sa anumang reporma na gagawin ng pamahalaan.