17,125 total views
Umaasa ang implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity na maging makabuluhan at epektibo ang nakatakdang Conference on Prayer ng Ecclesiastical Province of Manila upang maihanda ang bawat layko sa Jubilee sa 2025.
Ayon kay LAIKO National President Bro. Francisco Xavier Padilla, layunin ng pagtitipon na isulong ang higit na pagbibigay halaga sa buhay pananalangin ng bawat isa kasunod ng pagtalaga ni Pope Francis sa taong 2024 bilang Year of Prayer.
“Umaasa kami na ang resulta ng Conference on Prayer ay maging mas prepared na ang Laity sa darating na Jubilee sa 2025. Sinabi ni Pope Francis na ang 2024 ay dapat maging Year of Prayer, kaya ginawa ng LAIKO ang Conference na ito para mas lalong bigyan ng importance ang prayer sa buhay ng isang tao.” pahayag ni Padilla sa Radio Veritas.
Ibinahagi ni Padilla na kabilang sa pangunahing intensyon ng pagtitipon ang pananalangin para sa pagkakaroon ng mas malalim na relasyon ng bawat isa sa Panginoon.
Batid ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang pagiging abala at okupado ng mga mananampalataya ay napakahalaga ang paglalaan ng regular na buhay pananalangin upang magkaroon ng pagkakataong mapakinggan ang tinig ng Panginoon. Iginiit ni Padilla ang kahalagahan ng buhay panalangin upang hindi malayo sa landas patungo sa Panginoon.
“Prayer intention is for a deeper relationship with God. Kasi nakikita namin na sa sobrang kabusy-han ng mga tao ngayon, wala na silang oras para pakinggan ang Diyos. Kaya marami din tayong nakikitang maling nagyayari sa lipunan ngayon.” Dagdag pa ni Padilla.
Tinagurian ang nasabing Conference on Prayer ng Ecclesiastical Province of Manila na Araw ng mga Layko Buklod Panalangin: Bukal ng Pag-asa na nakatakda sa ika-31 ng Agosto, 2024 sa Sta. Rosa Sports Complex, Sta. Rosa City.
Magsisilbing pangunahing tagapagsalita sa gawain si CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara na siya ring nagsisilbing Apostolic Administrator ng Diocese of San Pablo.
Kabilang sa mga inaasahang makikibahagi sa pagtitipon ang mga layko mula sa Ecclesiastical Province of Manila na kinabibilangan ng mga layko mula sa Diocesan Council of the Laity ng Arkidiyosesis ng Maynila, at mga Diyosesis ng Pasig, Antipolo, Cubao, Novaliches, Parañaque, Imus, Kalookan, Malolos, at Apostolic Vicariate of Taytay Palawan at Puerto Princesa.