10,481 total views
Nagpapasalamat si Father Anton CT Pascual na Executive Director ng Caritas Manila sa lahat ng nakiisa sa Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP telethon sa himpilan ng Radio Veritas.
Ayon sa Pari, malaking tulong sa pag-aaral ng limang libong scholars ng YSLEP sa pagsisimula ng school year 2024-2025.
Inihayag ni Fr,Pascual na ang nalikom na 12.7-million pesos ay gagamiting pagtustos sa pag-aaral ng YSLEP scholars na makapagtapos sa kolehiyo at mai-ahon ang pamilya sa kahirapan.
“At ito po ay ating paraan upang mapaglabanan natin ng tuluyan ang karukhaan sa ating bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng karunungan at pag-unlad sa kasanayan at paglago sa magandang pagkatao na siyang sentro ng program ng YSLEP ng Caritas Manila kaya sa lahat po ng nag-abuloy, umabot tayo ng 10-milyon kahapon, July 15 nagpapasalamat po tayong lahat at pagpalain kayo ng Diyos, siksik, liglig at umaapaw,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Inaanyayahan naman ni Fr. Pascual ang mga Kapanalig na makibahagi at mag-donate sa mga programa ng Archdiocese of Manila upang maibangon mula sa kahirapan ang mga kapuspalad.
Sa nakalipas school year 2023-2024 ay mahigit sa isang libong YSLEP scholars ang nakapagtapos ng technical vocation at agricultural courses sa kolehiyo.
Iginiit ni Fr.Pascual na sa pamamagitan ng edukasyon ay makakaahon sa kahirapan ang mga mahihirap na pamilya sa bansa.