289 total views
Pinaalalahanan ng CBCP – Epicopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga employers na maagang ibigay ang 13th month pay at Christmas bonus ng kanilang mga manggagawa.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga manggagawa kung mapapa – aga ang pagbibigay sa kanilang 13th month at Christmas bonus.
Iginiit ni Bishop Santos na kung maagang maipagkaloob ito sa mga empleyado ay makapamimili sila ng in advance at makatulong sa pagluwag ng daloy ng trapiko at pagdami ng tao sa mga malls at pamilihan.
Tinitiyak ng Obispo na mas lalong maging produktibo ang mga empleyado kapag naibibigay sa oras ang kanilang benepisyo at pribilehiyong itinatakda ng batas.
Malinaw aniya ang itinatakda ng batas na dapat naibigay na sa mga empleyado ang kanilang 13th month pay ng hindi lalagpas sa Disyembre 24 ng bawat taon.
“Kung ibibigay natin kung ano ang nararapat sa manggagawa tayo ay nagbibigay ng pagpapahalaga sa kanila at sila rin bilang ganti ay magbibigay rin ng pagpapahalaga sa kanilang gawain sa pabrika at employers,”pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Samantala, sakaling mabigo naman ang isang kumpanya na ibigay ang 13th month pay sa kanilang manggagawa ay dapat maisampa agad ang reklamo sa regional labor office ng hindi lalagpas sa Enero 15 ng kasunod na taon.
Nabatid na noong December 2015 mula sa mahigit apat na libong natanggap na reklamo ng DOLE o Department of Labor and Employment ay apat lamang na complaints ang may kinalaman sa hindi pagbabayad ng 13th month pay o mas mababa sa 33 percent kumpara noong taong 2014.
Sa Laborem Exercens si Pope St. John Paul II, nakasaad na dapat kilalanin ng mga kumpanya ang karapatan ng mga manggagawa sa kanilang trabaho at hindi lamang kanilang perang kikitain.