159 total views
Naniniwala ang isang pari na hindi lang dapat i-asa ng sambayanang Filipino sa mga lider ng bansa ang paggawa ng tunay na pagbabago sa bansa.
Inihayag ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs na malaking mensahe at hamon ng pagdiriwang ng ika-30 taong anibersaryo ng Edsa People Power I sa ika-25 ng Pebrero ang pagtutulungan at pagkakaisa ng mga Filipino.
Ikinalulungkot lamang ni Father Secillano na matapos ang 30-taon ng bloodless revolution ay nararanasan pa rin ng mga Filipino ang kahirapan at ang laganap na katiwalian sa bayan.
Sinabi ng Pari na malaking hamon at mensahe ng EDSA I na patuloy na labanan ang kahirapan at magkaisang paninidigan ang kalayaan sa katiwalian na siyang nagpapahirap sa sambayanang Filipino.
“Una hindi naman dapat na iasa lang sa mga lider natin ang kinabukasan ng ating bayan although kinikilala natin yung mga lider na naging bahagi ng tagumpay ng demokrasya, na maibaliak ang demokrasya sa pamamagitan nila. Iyon nga lang yung mga problema na kinakaharap natin more than 30 years ago ay nandirito pa rin, hindi pa rin naman tayo nakakaalpas sa kahirapan, hindi pa rin naman natin nawawala yung corruption, andiyan pa rin yung mga pagnanakaw sa kaban ng bayan. So kinakailangan siguro na tayo ay magtulong-tulong muli. Kung kinakailangan ay magkaisang muli ang mga Filipino para labanan ang mga nakapagpahirap sa taumbayan at sa ating bayan”.paliwanag ni Father Secillano sa Radio Veritas
Kasabay nito, hinamon ng pari ang mga botante na pumuli ng mga lider na tunay na uuunahin ang kapakanan ng bayan at hindi ng kanilang mga sariling interes.
Nilinaw ni Father Secillano na ang demokrasya ay nangangahulugan ng kalayaan kaya dapat piliin ng taumbayan ang mga lider na magbibigay ng solusyon sa kahirapan na umaapi sa mga tao at bansa.
Sa pinakahuling survey ng S-W-S, 51-porsiyento ng 100-milyong populasyon ng Pilipinas ay nagsasabing sila ay dumaranas ng kahirapan.
Sa kasalukuyan, laganap pa rin ang katiwalian kung saan nabunyag na 10-bilyong pisong pork barrel fund ay napunta sa bulsa ni Janeth Napoles at mga kasabwat nitong Senador,Kongresista at ilang miyembro ng gabinete ng Pangulong Benigno Aquino III.