296 total views
Inihayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang Pondo ng Pinoy ay sumasagisag sa kaganapan ng buhay ng mamamayan.
Paliwanag ng Cardinal, maisasakatuparan lamang ang ganap na buhay kung matutunang magpahalaga ng mananampalataya sa kanilang kapwa lalo na ang mga dukha na higit kinalulugdan ng Panginoon.
“Ang Pondo ng Pinoy, kaganapan ng buhay pero ganap ang buhay kung ang dangal ng bawat isa ay naitataguyod ng hindi ka nakakalimot doon sa naghahanap pa ng kaganapan ng buhay,” pahayag ni Cardinal Tagle.
Hamon ng Arsobispo sa bawat isa na huwag hayaang maging bulag at manhid sa kasalukuyang sitwasyon ng lipunan na marami pa rin ang nangangailangan ng tulong.
Ito ang pahayag ni Cardinal Tagle sa mamamayang nakaranas ng maginhawang buhay kung saan ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2018 bumaba sa 21 porsyento ang kahirapan sa Pilipinas.
Giit pa ni Cardinal Tagle, mahalagang magtulungan ang bawat isa para sa ikauunlad at ikabubuti ng pamumuhay ng kapwa upang matamo ang ganap na buhay na layunin ng Pondo ng Pinoy.
15 TAON NG PONDO NG PINOY
Sa mahigit isang dekada ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. (PnPCFI), nanatiling ang mahihirap ang inspirasyon ito upang ipagpatuloy ang mga programa at adbokasiyang pinasimulan ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales noong 2004.
Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng bentesingko sentimos o mas tinatawag na ‘crumbs’ o ‘mumo’ malaki ang maitutulong nito sa pagpatuloy ng mga proyekto ng institusyon.
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang Pondo ng Pinoy ay hindi ay hindi lamang maituturing na charitable initiatives ng Simbahan kundi ito ay nakaugat sa pananaw mula Banal na Kasulatan ang kwento ng isang mayaman at mahirap na si Lazaro.
Sa tulong ng iba’t ibang sektor ng lipunan nakalikom na ang PnPCFI ng 400 milyong piso na naibahagi sa higit 1500 proyekto sa buong Pilipinas o katumbas sa 268, 606 indibidwal ang natulungan.
Kabilang sa mga programa ng institusyon ang pangkalusugan, pangkabuhayan, edukasyon, pabahay at maging ang pamamahagi ng emergency relief sa tuwing may sakuna.
Hinikayat din ni Cardinal Tagle ang bawat mamamayan mahirap man o mayaman na tumugon sa panawagan ng Panginoon na tulungan ang mga kapos palad sapagkat naniniwala ang Simbahan na lahat ay may kakayahang magbahagi ng kanilang biyayang kaloob ng Diyos.
“Ang mga mahihirap ay hindi lang tagatanggap kundi bahagi ng kanilang dangal ay nagbabahagi sa kapwa,” ani ni Cardinal Tagle.
ANG PUNDASYON NG PONDO NG PINOY
Pinatatag din ang institusyon sa 4 na pundasyon na nagpapatibay na sa kabila ng pagiging maliit ay nanunuot sa puso’t isipan ng mamamayan ang layuning paglingap sa kapwa.
Una rito ang ‘Small Acts’ sapagkat ang isang kusing ay maliit na halaga lamang kung ikukumpara sa libu-libong halaga ng salapi na ginagastos sa iba’t ibang bagay subalit kinakailangan lamang nito maging tuloy-tuloy sa pagbabahagi o ‘Regularity’ upang mapaunlad ang pagkatao sa kultura ng pagpapahalaga sa biyayang handog ng Panginoon sa tao.
Bukod rito ang ‘Rooted in love of God and Neighbor’ o ang pagmamahal sa kapwa ang isa sa mga sanhi na higit mapagyabong ang pagiging mapagkawanggawa ng tao na nakahandang tumulong sa kapwa.
‘Empowerment of Community’ o ang pagpapalakas sa isang komunidad sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng taos sa puso at may kabutihang loob na patuloy pinagyabong ng Pondo ng Pinoy upang higit pang maabot hindi lamang ang mga Filipino kundi maging ang mamamayan sa ibayong dagat partikular ang biktima ng kahirapan, kagutuman at karahasan.
Sa huli pinaalalahanan ni Cardinal Tagle ang bawat isa na ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang maliit na butil subalit nanunoot sa kaibuturan ng puso ng sangnilikha.