1,512 total views
Mananatili ang 150 milyong pisong confidential fund sa panukalang pondo ng Department of Education (DepEd) sa susunod na taon na nagkakahalaga ng kabuuang 710 bilyong piso.
Ito ang inihayag ni Zamboanga City 2nd district Representative Manuel Jose Dalipe-kaugnay sa pagtalakay ng bawat komite sa mga aamyendahang panukala matapos ang sponsor deliberation ng bawat tanggapan ng pamahalaan sa 2023 national budget.
“I am one with him for additional budget for classrooms but not necessarily naman kukunin sa confidential funds because when the Vice-president was here during the sponsorship of the budget of our department, the Department of Education, clear naman kay Vice president-secretary Sara Duterte ‘yung purpose ng confidential fund,” ayon kay Dalipe.
Sinabi ni Dalipe, maaring magkaroon pa ng karagdagang pondo ang DepEd para sa pagsaaayos ng mga nasirang paaralan dulot ng kalamidad, at hindi ito magmumula sa confidential fund ayon sa mungkahi ni Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel.
Sa nakalipas na pananalasa ng Super Typhoon Karding, aabot sa P112-milyon halaga ang kinakailangan ng DepEd sa pagkukumpuni ng mga nasirang paaralan.
Ito ay bukod pa sa 40-bilyong pisong halaga ng mga classroom na kailangang sumailalim sa pagkukumpuni sa mga paaralang una ng nasira sa mga nagdaang kalamidad.
Matapos ang pag-amyenda, inaasahang sa mga susunod na araw ay isusumite na sa Mataas na Kapulungan ang bersyon ng Kamara sa 2023 proposed budget na nagkakahalaga ng higit sa limang trilyong piso.
Dagdag pa ng mambabatas, wala ding inaasahang malaking pagbabago sa panukalang pondo maliban lamang sa mga kahilingan ng mga mambabatas sa ilang ahensya ng karagdagang pondo.
Naniniwala naman ang simbahang Katolika na ang pagiging bukas sa publiko sa mga paglalaanan ng pondo ay isang paraan upang maiwaksi ang katiwalian.