504 total views
Matibay na loob at pananampalataya ang sandata ng mamamayang Pilipino upang ipagpatuloy ang laban sa pagkamit ng kalayaan ng bayan mula sa mapanupil na administrasyong Marcos.
Ito ang ibinahagi ni Mr. Reli German – Co-Founder at Former Chairman Of August 21 Movement na isa sa mga grupong naging aktibo noong EDSA People Power Revolution 30-taon na ang nakakalipas.
Iginiit ni German na ito ang isang mensaheng dapat na tumimo at matutunan ng mga kabataan at susunod pang henerasyon kung saan mas mahalagang sandata sa anumang laban ang panalangin at pananampalataya sa halip na gumamit ng dahas at armas.
“Pinatibay ng ating relihiyon, pinatibay ng ating pagka-believe sa Panginoon yung tibay ng loob para ipagpatuloy itong laban at para mapatalsik nga yung diktadura, kaya’t nadaan sa mga panalangin, nadaan sa mga libu-libong mga taong sumipot dito sa EDSA na harangin ang mga tangkeng dumating dito, ang mga sundalo na kakampi ni Marcos noon, kung walang suporta ang ating sampalataya kung walang suporta ang ating relihiyon at ang ating mga belief na tayo’y kakayanin, babasbasan tayo ng nasa itaas, hindi tayo matutuloy dito sa EDSA revolution.”pahayag ni German sa Radio Veritas
Nanawagan si German na dapat isaisip at isapuso ng bawat Pilipino ang tunay na diwa ng EDSA sa pamamagitan narin ng pagbabahagi sa mga kabataan partikular na ngayon panahon ng halalan upang hindi na muling masadlak ang bayan sa mga kamay at pamumuno ng mga sakim sa kapangyarihan.
“Dapat po isaisip natin, isapuso natin kung anong dapat ang leksyon ng EDSA na hindi na dapat maulit ang ganung uri ng diktadurya, ang batas militar hindi dapat manaig sa ating bansa, hindi dapat natin payagan ang mga politiko na abusuhin ang ating mga karapatan bilang pangtao, karapatan ng mga kababaihan. Ito isapuso natin at ituro sa mga kabataan lalo na..” dagdag pa ni German
Batay sa pinakahuling tala ng Commission on Election, tinatayang umabot sa higit 54.6 na milyon ang rehistradong botante na nakapagpatala para sa susunod na eleksyon kung saan 40-porsyento dito ay mga kabataang edad 18 hanggang 30 taong gulang bukod pa sa 1.3 milyong Overseas absentee voters na malaki ang maaring maging papel sa nakatakdang 2016 National at Local Elections.
Samantalang, magugunitang sa naganap na Encounter with the Youth sa UST, ni Pope Francis noong ika-18 ng Enero ay hinamon nito ang mga kabataan na mag-isip, makiramdam at kumilos upang tunay na makapagbahagi sa kapwa, partikular na sa mga nangangailangan at maging sa kapakanan ng buong bayan.