496 total views
Hindi mapipigilan maging ng pandemya ang pagsasakatuparan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa misyon bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa halalan sa bansa.
Ito ang binigyang diin PPCRV National Chairperson Ms. Myla Villanueva sa naganap na opisyal na paglulunsad ng Voter’s Education – Values Formation Program ng PPCRV bilang paghahanda sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Villanueva, bagamat malawak ang patuloy na banta na dulot ng COVID-19 pandemic sa buong bansa ay hindi naman ito balakid upang patuloy na maisakatuparan ng PPCRV ang mantado at misyon nito sa pagtiyak ng kaayusan at katapatan ng halalan sa bansa.
“Malaki po ang pinsala na naidulot ng pademya sa ating bansa subalit, wala pong balakid at wala pong makapipigil sa ating mga PPCRV volunteers in order to go ahead with our mission. Ang ating mandato at misyon ng isang maayos, makabuluhan at maiwasay na halalan ay dapat talaga natig paghandaan kung kaya tayo ay nagtitipon upang pag-usapan ang mga mahahalagang bagay na kailangan nating maisagawa bago ang halalan sa 2022.” pahayag ni Villanueva.
Sa naganap na “Train the Trainers” summit ay ibinahagi ng PPCRV ang bagong Voters’ Education module nito na nakabatay sa 16 good citizenship values na nasasaad sa pambansang Konstitusyon ng Pilipinas upang magsilbing gabay ng mga botante sa pagpili ng mga ihahalal na opisyal ng bayan.
Inihayag ni Villanueva na sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga botante sa naturang mga katangian at paghahanap ng mga katangiang ito sa mga kandidato ay maisasakatuparan ang matagal ng hinahangad na mataas na kaledad ng pamamahala sa bansa.
Nahahati ang naturang 16 good citizenship values sa apat na kategorya na kinabibilangan ng maka-Diyos, maka-tao, maka-bayan at maka-kalikasan na kung susumahin ang dapat na Maka-Pilipinas.
“Ngayong umaga ating isasagawa ang pagsasanay sa bagong Voters’ Education Module ng PPCRV, itong module ay naka-focus po sa 16 values that are enshrined in our Constitution, we believe that through the living and sharing of this basic values not only by ourselves but especially po by our candidates can our national vision of improving moral standards in government and society be achieved.” Dagdag pa ni Villanueva.
Bahagi ng bagong Voters’ Education Module ng PPCRV ang Maka-Pilipinas anthem, mural, pledge at iba pang visual materials para sa voters education campaign na nabuo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa HeroIXM.
Isinagawa ang opisyal na paglulunsad ng Voter’s Education – Values Formation Program at ang “Train the Trainers” Summit ng PPCRV sa pamamagitan ng Zoom bilang pag-iingat na rin sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.