218 total views
Hindi dapat tanggihan ng ospital at ng duktor ang isang pasyenteng lumalapit dito kung nasa “life and death” ang sitwasyon.
Ayon kay Atty. James Imbong, isang prolife lawyer, responsibilidad ng bawat duktor maging ng bawat ospital masa-pribado man o publiko na tanggapin ang isang pasyente na nasa “emergency situation” kahit walang pera.
“Emergency case wala pong dahilan na tanggihan ang pasyente dahil walang pera, ang pinag-uusapan dito emergency , hindi ito yung ini-schedule, emergency nasa bingit na kamatayan, pero meron pong batas na sinasabi, applicable ito kahit hindi ka duktor….,may batas na sinasabi, in times of emergency kahit hindi ka duktor applicable yan dahil trabaho mo ang tumulong at magsagip ng buhay, “ pahayag ni atty. James Imbong sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi ng abogado na posibleng paglabag ito sa Republic Act No. 8344 an act penalizing the refusal of hospitals and medical clinics to administer appropriate initial medical treatment and support in emergency or serious cases, amending for the purpose batas pambansa bilang 702, otherwise known as “an act prohibiting the demand of deposits or advance payments for the confinement or treatment of patients in hospitals and medical clinics in certain cases”.
Lumabas muli ang usaping hindi pagtanggap ng mga ospital sa emergency situation ng mga pasyenteng walang pera matapos na mamatay sa sinapupunan ng ina ang sanggol nito nang hindi tanggapin ng isang duktor sa isang pribadong ospital ang pasyente dahil sa kawalan ng pera.
Dahil sa sitwasyong ito, nais ng grupong Gabriela sa Kamara na panagutin ang University of Sto. Tomas Hospital sa pagkamatay ng sanggol matapos na sinasabing tanggihan ng isang doktor na i-admit ang ina nito.
Ayon kay Gabriela party-list group Rep. Luzviminda Ilagan posibleng lumabag sa Republic Act No. 8344 ang ospital sa pagkamatay ni Baby Pelayo nang tanggihan ito ng OB sa UST Hospistal.
Matatandaang noong October 2015, sinasabing namatay ang 2010 Nobel Laureate in Chemistry na si Richard Heck matapos tanggihang gamutin ng isang private hospital sa Maynila dahil sa kawalan ng pera.
Noong 2013, nasa 1.4 percent lamang ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ang ibinigay ng gobyerno na health expenditures na hamak na mas mababa kasya sa mga iba pang bansa sa Asya kung saan ang Thailand, nag-allot sila ng 3.7 percent ng kanilang GDP habang ang Cuba ay 8.2 percent.