186 total views
Humingi na ng tulong sa National Government ang Prelatura ng Isabela de Basilan kaugnay ng El Nino phenomenon na labis ng nakakaapekto sa lalawigan.
Ayon kay Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad, kailangan nila ng sustainable solution sa problema mula sa pamahalaan na hindi lamang ang pagrarasyon ng tubig ang kailangan lalo na at hindi naman regular din itong natutugunan.
“Hindi ko kaya ang kampanya na mga-isa, kahit bigyan natin sila ng rasyon ng tubig good for one day lang, kailangan sustainable talaga, kailangan ng National Government na mag interfere talaga para hindi lamang one day malutas ang problema, kailangan sustainable solution to the problems,” pahayag ni Bishop Jumoad sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi ng Obispo, na labis na naapektuhan sa kanilang diocese ang mga magsasaka dahil sa pagkatuyot ng kanilang pananim lalo na at November ng 2015 hanggang ngayon ay hindi pa sila nakakaranas ng pag-ulan.
Dagdag pa ni Bishop Jumoad, may mga namamatay na rin dahil sa atake sa puso sa kanilang lugar.
“Mahirap na mahirap na dito sa Basilan dahil November pa wala ng ulan hanggang ngayon, mainit na mainit , kawawa ang mamamayan, may mga namamatay na dahil sa heart attack, may water rationing pero hindi naman regular, sometimes hindi nag follow ng schedule, ang Isablea Waterworks District, hindi na makapagbigay ng tubig. Kawawa mga farmers, kasi walang ulan, nahirapan pa sila sa presyo ng mga goods.” Ayon pa sa obispo.
Napag-alamang December nagpalabas na ng Oratio Imperata ang Prelatura para sa mga parokyang nasasakupan nito upang manalangin na umulan.
“Since December dito sa Prelatura nagdasal na kami ng ulan, we have the prayer for rain applicable sa Prelatura ng Isabela lahat ng mga parokya at mga barangay ang nasasakop nito…” ayon pa kay Bishop Jumoad.
Sa latest report ng Pagasa, nasa mahigit 30 lalawigan sa bansa ang apektado ng Drought, dry spell at dry condition sa ngayon.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, mariin nitong hinihimok ang mamamayan na pangalagaan ang kalikasan para maiwasan ang malalang epekto ng climate change gaya ng El Nino at La Nina.