345 total views
Matapos ang matagumpay na paglulunsad ng Alay Kapwa Program sa tatlong iba’t-ibang Diyosesis sa Luzon, Visayas at Mindanao muling umapela ang NASSA/Caritas Philippines sa mga mananampalataya na gawin bahagi ng kanilang pagninilay ang misyon ng Alay Kapwa.
Ayon kay NASSA/Caritas Philippines Executive secretary Rev. Fr. Edu Gargiuez, ang kuwaresma ay panahon upang lalo natin madama ang labis na pagmamahal sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili para sa atin.
Ito aniya ang dahilan kaya’t maging tayo ay nararapat din ialay ang atin mga sarili para tumulong sa atin Kapwa lalo na sa mga mahihirap at naapektuhan ng kalamidad.
Naniniwala si Fr. Gariguez na matapos ang matagumpay ng paglulunsad ng nasabing programa sa iba’t-ibang diyosesis ay mas mauunawaan ng mga mananampalataya ang tunay na kahulugan at misyon nito.
Umapela din ang Pari ng suporta para sa isasagawang second collection sa linggo ng palaspas sa iba’t-ibang parokya sa buong Pilipinas para makalikom ng pondo sa nasabing programa.
“Ako po ay nanawagan sa ngalan po ng buong Simbahan sa Pilipinas sana ay tayo ay patuloy na sumuporta sa pamamagitan ng atin kakayahan, ng atin yaman para sa patuloy na pagtulong sa mga nangangailangan, umaasa kami sa inyong patuloy na pakikiisa lalo’t higit sa mga diyosesis sa Pilipinas sana po ay patuloy natin na suportahan ang programa ng alay kapwa dahil ito ay diwa ng atin pagsasabuhay ng buhay kristiyano.” pahayag ni Fr. Gariguez sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunitang nito lamang nakalipas na buwan ng pebrero ay matagumpay na isinagawa ang paglulunsad ng alay kapwa program sa Diocese ng Maasin,Diocese of Malaybalay at Archdiocese of Lipa.
Ilan lamang sa mga natulungan ng pondo ng Alay Kapwa ay ang limang diocese na labis na napinsala ng bagyong Nona noong disyembre ng taong 2015.
Tinatayang umabot sa 3 punto 6 na milyong piso ang paunang tulong na inilabas ng simbahang katolika para sa may 57 libong pamilya o mahigit 300 libong indibidwal na naapektuhan ng nasabing bagyo.
Isa punto siyam na milyong piso mula sa naturang pondo ay mula naman sa Caritas Manila.