235 total views
Hinamon ng isang lider ng Simbahang Katolika ang mga botante na huwag ikompromiso sa nalalapit na halalan sa ika-9 ng Mayo 2016 ang kinabukasan ng buong bayan sa panandaliang tulong pinansyal ng mga tiwaling kandidato.
Ito ang hamon sa bawat botante ni Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa talamak na Vote Buying at Vote Selling tuwing halalan.
Paliwanag ng Pari, kapalit ng pansamantalang tulong pinansyal na ipagkaloob ng mga kandidatong bumibili ng boto ay ang hinaharap at kinabukasan ng buhay ng bawat mamamayan sa susunod na anim na taon sa ilalim ng panunungkulan ng mga hindi tapat na kandidato na mas magpapahirap lamang sa bayan kung sila ay makapwesto.
“Sana ngayong eleksyon na ito huwag tayong magbibenta ng boto, huwag nating iko-kompromiso yung hinaharap meron silang mga anak, meron pang mga henerasyon na dadating na manggagaling sa kanilang pamilya, kung mananatili yung ganitong kalakaran o sistema at hindi babaguhin magpi-persist yung ganitong kahirapan, so that’s number 1. Do not compromise your vote, vote for the one who you see has capable of giving the best for the Filipino people…”pahayag ni Fr. Secillano,sa panayam sa Radio Veritas.
Giit pa ng pari, nakasalalay sa pagkakaroon ng tapat na eleksyon ang pagkakaroon ng magandang hinaharap ng bansa.
Batay sa isinagawang survey ng Social Weather Station o SWS sa pagtatapos ng 2015, nananatiling 50-posyento o katumbas ng 11.2-milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap na kadalasang biktima ng vote buying at vote selling tuwing halalan.
Kaugnay nito, upang maiwasan ang nagiging talamak na kalakaran tuwing halalan, hindi pinahihintulutan ang mahigit sa 100-thousand pesos na withdral kada araw at pag-transport ng higit sa 500-thousand pesos sa loob ng anim na araw bago ang mismong araw ng Halalan na nakasaad sa Commission on Election – Resolution Number 9688.
Bukod dito, patuloy rin ang kampanya ng Simbahang Katolika na Huwag Kang Magnakaw batay sa Ika-Pitong Utos ng Panginoon, kung saan maituturing na pagnanakaw sa dangal at kalayaan ng bayan ang pagbebenta ng boto sa mga makasariing kandidato.