1,103 total views
Ikinagalak ni Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo ang paglulunsad ng Green Thumb sa kanilang lalawigan
Ayon sa Obispo, isa itong mabuting gabay para sa mapanagutang pagboto ng mamamayan ng Palawan upang makilatis nitong mabuti ang tunay na intensyon ng mga kandidato sa likas na yaman ng kanilang lugar.
Dagdag pa ni Bishop Arigo, sa pamamagitan ng Green Thumb mas mapaiigting ang pangangalaga sa kalikasan sa Palawan na tinaguriang “The Last Frontier.”
“Sana nga ay gawin na yang isa sa batayan sa ating pagpili ng ibobotong kandidato, titignan kung kasama bas a kanilang plataporma yung sinasabi ni Pope Francis na care for our common home, o kaya yung mga negosyante na pro-mining ay dapat wag nang iboto yan, kaya pipiliin natin at kikilatisin yung mga plataporma ng mga kandidato yung mga may environmental plans and platform.”
Sa pagsisiyasat ng PMCJ, plano ng kumpanyang DMConsunji Holdings Incorporated na magtayo ng 15 megawatt coal fired Power Plant sa Nara Palawan, na mariin namang tinutulan ng mga residente.
Sa pag-aaral ng Philippine Movement for Climate Justice, sa kasalukuyan ay mayroong 17 pasilidad ng Coal Fired Power Plants sa Pilipinas kung saan 11 dito ay nasa Luzon, Lima ang nasa Visayas at isa ang matatagpuan sa Mindanao.
Sa ulat ng Center for Global Development ang Pilipinas ay pang 32 sa limampung mga bansang may pinaka mataas na carbon emission.
Naiulat na umabot sa 35,900,000 ang carbon o maruming hangin na ibinubuga ng mga planta sa Pilipinas kada taon.
sa Encyclical na sinulat ng Santo Papa, hinimok ni Pope Francis ang mga mambabatas na lumikha ng polisiyang magtatakdang palitan ng renewable energy ang mga Fossil Fuels upang sa mga susunod na taon ay tuluyan nang mawala ang lubhang mapaminsalang emissions na nagmumula sa pagsusunog sa mga Fossil Fuels.