216 total views
Kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ni Maria, magsisimula ngayong araw (Aug.15) ang pagbubukas ng ika-17 Marian Healing Exhibit ng Radio Veritas sa Shangrila Plaza, Mandaluyong City.
Hinihikayat naman ni Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radyo Veritas ang mga kapanalig at mananampalataya na tangkilikin ang exhibit bilang bahagi ng pagpapalago ng debosyon sa Mahal na Ina.
“We encourage the Catholic faithful to visit and support the Marian exhibit and foster devotion to Mary Blessed Virgin, Mother of God and Mother of Church, because she is the path towards salvation and peace,” ayon kay Fr. Pascual, pangulo ng Radyo Veritas.
Bukod sa mga iba’t ibang imahe ng Mahal na Ina, tampok din sa exhibit ang mga imahe ng mga Banal ng simbahan kabilang na sina St.Therese at St. Padre Pio.
Dagdag pa ng pari, napapanahon ang exhibit hindi lamang sa personal na debosyon kundi maging sa pag-aalay ng panalangin sa kinakarap na suliranin ng lipunan tulad ng karahasan, kawalang katarungan at hindi pagkakasundo-sundo.
“Timely ang exhibit sa nagaganap na kalituhan, pagkawatak watak, karahasan, injustice at hindi pagsunod sa batas,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Gaganapin naman ang pormal na pagbubukas at pagbabasbas ng exhibit ngayong araw alas-2 ng hapon.
Ang exhibit ay magtatagal hanggang sa ika-15 ng Setyembre na bukas para sa lahat ng mga mananampalataya simula alas-9 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.
Ang Pilipinas ay kilala sa pagtatangi sa Mahal na Birhen na una na ring tinagurian bilang Pueblo Amante de Maria o Bayang namimintuho kay Maria.
Sa katunayan, higit na sa 40 imahe ng Mahal na Birhen ang binigyang pagkilala (canonically crowned) ng Vatican.
Taong 1907 nang unang putungan ng korona at kilalanin ng Vatican ang Nuestra Señora del Santisimo Rosario Dela Naval Manila ng Quezon City.
At pinakahuli ang nakatakdang Canonical Coronation ng Our Lady of Sorrows ng Dolores Quezon itinakda sa Marso ng susunod na taon.