4,225 total views
Tinatayang nasa 18,000 miyembro ng Couples For Christ (CFC) mula sa 12 Metro Manila sectors ang nagtipon-tipon para sa ANCOP Global Walk (AGW) 2024 na inorganisa ng CFC – Answering the Cry of the Poor (ANCOP).
Isinagawa ang pagtitipon sa Mall of Asia Concert Grounds sa Pasay City kung saan pinangunahan ng CFC International Council ang sama-samang paglalakad kaninang alas-kwatro ng umaga.
Ayon kay CFC Spiritual Adviser, Fr. Joel Jason, ang paglalakad ay simbolo ng pagkakaisa at pagtutulungan, kung saan sa pamamagitan nito’y naipapakita ang pagsasama-sama para sa isang layunin.
“Walking is always an expression of solidarity. Walking is always an expression of coming together and joining hand in hand for a cause… Let us be generous. Let us consider all our brethren that with this walk, we will be walking with each other and walking with the Lord,” pahayag ni Fr. Jason.
Layunin ng annual fundraising event na makalikom ng pondo upang suportahan ang Community Development at Education Sponsorship Program ng CFC na nakatuon sa pagkakaloob ng mga tahanan, edukasyon, basic healthcare, at kabuhayan para sa mamamayang kabilang sa mahihirap na sektor ng lipunan.
Bukod naman sa Metro Manila, isinagawa rin ang walk for a cause sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Pilipinas maging sa mga pangunahing lungsod sa America, Canada, Europe, Australia, Asia, Middle East, at Africa.
Ito na ang ika-14 taong pakikibahagi ng CFC Philippines sa annual walk for a cause na unang inilunsad sa America at Canada.
Tema naman ng ANCOP Global Walk 2024 ang Walk in the Light.