232 total views
Ikinalungkot ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president at Cebu Archbishop Jose Palma ang madugong dispersal sa mga magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato na ikinasawi ng 3 magsasaka.
Ayon kay Archbishop Palma, kuwestiyunable pa rin ang P19 bilyong alokasyon na inaprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III noong Disyembre na laan sa mga proyekto sa El Niño phenomenon para sa mga magsasakang apektado ng tag-tuyot lalo na sa Mindanao.
“Tungkol po sa problem El Niño at ng kahirapan dahil po naapektuhan yung tanim. Alam naman natin na sinasabi ng pamahalaan na may mga pondo at malaki – laki na rin yung natipon. Kaya para sa akin lalo na sa mga calamities it’s about time as early as possible, as soon as possible sana nga yung support at yung assistance should be given dun sa kanila,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Nakakalungkot rin ayon sa arsobispo na pinapaasa ng pamahalaan ang taumbayan sa pondo na nakalaan para sa kanila.
Hiniling nito na sana ay mai–mobilized ng maayos ng mga ahensya ng pamahalaan ang calamity fund at agarang maibigay sa kanila.
“Para sa akin yung mga ganito isang reminder isang news dispatch na halimbawa i – mobilized yung agencies para makatulong talaga at matanggap agad. Kagaya natin nag – expect tayo na kung yung pondo para diyan nararapat lamang na ibigay na sa kanila. Nakakalungkot na yung tao alam na may pondo pero bakit hindi ibinigay o kailan ibibigay,” giit pa ng arsobispo sa Veritas Patrol
Nauna na rito, nag–alay ng panalangin si Archbishop Palma tulad ng pangunahing intention ni Pope Francis ngayong buwan ng Abril 201, sa mga magsasakang apektado pa rin ng kagutuman dahil sa matinding tag–tuyot.
“Ama po naming mapagmahal alam po namin na itong mga nangyayari ay bunga rin minsan ng aming kakulangan sa aming pagtingin sa aming paligid. Sa ngayon ipinagbubunyi po namin at hinihingi namin ang iyong pagpapala at ang iyong bendisyon para sa mga magsasaka na sa ngayon ay naghihirap dahil sa El Nino. Sana nga po hinihintay namin ang ulan at ang pagresolbo sa problema ay mangyari na po. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon,” bahagi ng panalangin ni Archbishop Palma para sa mga magsasaka.
Samantala, inilagay naman ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC ang pitong probinsya, limang lungsod at dalawampu’t apat na bayan sa state of calamity dahil sa lumalalang epekto ng El Niño.
Nabatid na taong 1997 nang huling maapektuhan ng matinding El Nino ang bansa na halos 74 na libong hektaryang lupang sakahan ang nasira sa 18 probinsya sa bansa na naramdaman sa Mindanao na ikinasawi ng 74 at ikinagutom naman ng halos kalahating milyon.(Romeo Ojero)