10,880 total views
Labing siyam na obispo mula sa iba’t ibang diyosesis sa Pilipinas ang nagpatala sa Caritas Philippines Academy para sa 5-day course sa servant leadership and pastoral management for bishops.
Ayon kay Jing Rey Henderson-Head of communications and partnership development, layunin ng programa ang karagdagang kaalaman at pagsasanay gayundin ang kaisahan ng bawat diyosesis sa pagtugon sa kinakailangan ng kawan.
“Ang sinasabi ay dapat maging synodal ang simbanan, so una dapat naiimprove natin. Ang tawag po natin sa academy is professionalism with a heart kasi hindi naman pwede na… dati namulat tayo na dati sa simbahan mag-volunteer ka lang okay ka na, pero anong klase ang serbisyo na na dapat ibibigay natin dun sa mga tao,” ayon kay Henderson.
Ang kurso para sa mga obispo ay isasagawa isang beses sa isang taon, habang ilang kurso rin ang iniaalok para sa iba pang manggagawa at volunteer ng simbahan, kabilang na ang mga kawani ng diocesan social action center na may programa ang simbahan dalawang beses sa isang taon.
“Kung sinasabi natin na tayo ang ‘church of the poor’, dapat yung poor na pinagsisilbihan natin makatatanggap ng pinakamaayos, pinakamahusay, pinakamagaling na serbisyo galing sa simbahan at ‘yun po ang ginagawa natin ngayon. Iaangat ‘yung level, ‘yung antas, ‘yung kalidad ng pagseserbisyo ng ating mga social action worker, social action centers as a whole,” ayon pa kay Henderson.
Nagsimula ang 5-day program para sa mga obispo kahapon at magtatagal hanggang sa Biyernes sa Caritas’ Development Center sa Tagaytay City.
Kabilang din sa mga magsisilbing tagapagturo si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle-pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization at Catholic Bishops Conference of the Philippine President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Ayon naman kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, nakatuon ang bishops course sa paraan ng pamamahala ng Santo Papa Francisco -ang pananampalataya, awa at malasakit.
Ilan sa mga obispo na sumailalim sa kurso sina Archbishop Guilbert Garcera ng Lipa; Bishops Jerry Alminaza, San Carlos Negros Occidental; Rey Evangelista ng Imus; Valentin Dimoc ng Bontoc, Lagawe; Cosme Almedilla ng Butuan; Marvin Maceda ng San Jose de Antique; Allan Dialogo ng Sorsogon; Joel Baylon ng Legazpi; at Bartolome Santos ng Iba Zambales.