509 total views
Umabot sa 19 na seminarista at mga tauhan ng Ateneo de Manila University ang nagpositibo sa COVID-19.
Ito’y ayon kay Veritas Pilipinas anchor at executive director ng Jesuit Communications, Fr. Emmanuel “Nono” Alfonso, SJ, kasunod ng utos ng Quezon City Government na isailalim sa lockdown ang pamantasan.
“Four (4) houses ‘yun. In all about 19 positive, mostly seminarians and staff,” bahagi ng pahayag ni Fr. Alfonso sa panayam ng Radio Veritas.
Partikular na isinailalim sa lockdown ang San Jose Seminary, Loyola House of Studies, Arrupe International House, at ang Jesuit Health and Wellness Center.
Paliwanag ni Fr. Alfonso na sa nasabing bilang ng mga nag-positibo, isang pari ang dinala sa ospital upang mabigyang lunas habang ang natitira naman ay mga walang sintomas o asymptomatic.
“One priest is in hospital but the rest are asymptomatic,” saad ni Fr. Alfonso.
Humihiling naman ng panalangin ang pamantasan para sa kagalingan at kaligtasan laban sa COVID-19.
Samantala, patuloy ding humihiling ng panalangin ang mga naapektuhan ng COVID-19 sa Divine Word Mission Seminary o kilala rin bilang Christ the King Mission Seminary partikular na sa Villa Cristo Rey Retirement House.
Nilinaw ni Fr. Manuel “Bong” Bongayan, SVD, Assistant to the President and Corporate Secretary ng Radio Veritas na ang retirement house lamang ang naapektuhan ng COVID-19 sa loob ng seminary compound.
Dagdag pa ni Fr. Bongayan na bagamat mga nag-positibo sa COVID-19, karamihan sa mga retiradong pari at caregivers ay asymptomatic habang nakakaranas lamang ng mild symptoms ang iba pa dahil kumpleto naman ang mga ito sa bakuna laban sa virus.
“Ang Christ the King Seminary ay hindi naman naka-lockdown. ‘Yung Villa Cristo Rey Retirement House ang naka-lockdown. Sa retirement house ako nakatira. Quarantine lang kami kasi lahat naman ay vaccinated,” ayon kay Fr. Bongayan sa panayam ng himpilan.
Gayundin, sinabi naman ni Fr. Benigno Beltran, SVD, Associate priest ng Diocesan Shrine of Jesus the Divine Word na taliwas sa mga naunang balita ay ligtas naman mula sa epekto ng COVID-19 ang nalalabing bahagi ng seminary compound.
“Exaggerated ang mga news. Only the retirement home has COVID-19 positive residents. The rest is okay,” saad ni Fr. Beltran.
Ang Christ the King Seminary compound ay binubuo ng mismong seminaryo nito; ang Villa Cristo Rey Retirement House na ngayo’y naka-lockdown; ang Diocesan Shrine of Jesus the Divine Word; at ang SVD Mission House.
Nauna nang nilinaw ng pamunuan ng Divine Word Mission Seminary sa pamamagitan ng pahayag na hindi apektado ng virus ang buong seminaryo, kundi ang retirement house lamang.