429 total views
Kinilala ng Archdiocese of Manila Ministry for Labor Concern (AMMLC) ang isang libong pisong umento sa sahod ng mga kasambahay.
Ayon kay Father Eric Adoviso – AMMLC Minister, bagamat malaking tulong sa mga kasambahay ang pagtaas ng sahod, hindi parin ito sapat at papantay sa kanilang paghihirap sa paggawa ng gawaing bahay.
“Yung umentong 1-thousand, kasi magpapadala yan sa mga kapatid nila, yung mga magulang nila sa probinsya, yung ating cost of living naman ay medyo napakataas pa kaya sa akin welcome pero sana dagdagan pa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Adoviso.
Umaapela naman ang Pari sa pamahalaan na gawing pantay ang suweldo at ipatupad ang iisang National Minimum Wage sa buong Pilipinas dahil ang buong bansa ang nakakaranas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ipinahayag naman ng Kilusong Mayo Uno ang pagkilala sa National Capital Region Tripartite and Regulatory Board (NCR-RTWPB) sa umento sa sahod ng mga kasambahay.
Ayon kay Elmer Labog – Chairperson ng KMU, ang hakbang ay hudyat na nakakaabot sa pamahalaan ang hinaing at panawagan ng sektor ng mga manggagawa.
Iiral ito labing-limang araw matapos isapubliko kung saan mula sa limang libong pisong ay aabot na sa hanggang anim na libong piso ang minimum na suweldo ng mga kasambahay sa NCR.