250 total views
Hindi na bago sa sitwasyon ng Mindanao ang bagong talagang Obispo ng Prelatura ng Isabela de Basilan na si bishop-elect Leo Dalmao.
Ito ang pahayag ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad dating obispo ng Isabela de Basilan na labing limang taon nanungkulan.
“Bishop elect-Dalmao, na-assign na sya dati sa Basilan. He is well versed in terms of the situation sa Basilan so hindi na siya bago dun sa Basilan 1997 maybe to 2001 nanduon po siya sa Basilan. In fact nandoon po ako siya po ang gumawa ng memorial for Peace ang maganda yung alaala sa nangyayari dun sa Basilan,” ayon sa Arsobispo.
Taong 1997, matapos ang kanyang ordinasyon bilang pari naitalaga si Bishop-elect Dalmao sa Basilan at nagsilbi bilang project coordinator ng indigenous people sa Samal-Badjau.
Ayon pa kay Archbishop Jumoad, may kaalaman na si Bishop-elect Dalmao sa peace and order situation sa Basilan lalu’t ito ay minsan na ring nanatili sa lalawigan at nakita ang sitwasyon maging ang panganib sa kanilang lugar.
“That’s part of the ‘yes’ of his saying yes of being obedient to the Holy Father.Then as you love your people, love your priest then give your life because God will bless you because you have given your best,” mensahe ni Archbishop Jumoad sa panayam ng Radyo Veritas.
Isasagawa sa May 24 ang ordinasyon ni Bishop-elect Dalmao bagama’t wala pang opisyal na inilalabas na detalye para sa ordination at installation ng bagong Obispo.
Si Bishop-elect Dalmao ay tubong Bohol at ang kauna-unahang Filipino-Claretian priest na naging obispo.
Naitalaga rin bilang superior of the Philippine Province of the Claretian Missionaries at co-chairperson ng Association of Major Religious Superior of the Philippines (AMRSP) hanggang taong 2015 bago malipat sa Roma.
Pangangasiwaan ng bagong Obispo sa Basilan ang may higit sa 100 libong mga katoliko, 25 mga pari na nangangasiwa sa may 10 parokya.
Itinalaga rin ng Kaniyang Kabanalan Francisco si Bishop-elect Cosme Almedilla bilang bagong obispo ng Diocese ng Butuan, kahalili ng namayapang si Bishop Juan De Dios Pueblos noong Oktubre 2017.
Si Bishop-elect Almedilla ay tubong Bohol at mula sa Diocese ng Talibon.
Siya ay inordinahang pari taong 1987 at ang kasalukuyang parish priest ng Holy Child Parish sa bayan ng Ubay.
Simula taong 2015 ay masigasig si Bishop-elect Almedilla sa pagsusulong ng Basic Ecclesial Community movement at naging assistant Pastoral Director ng Talibon.
Nagsilbi rin bilang spiritual director ng St. John XXII College Seminary, Director of the Holy Child Academy at chaplain ng Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City.
Ang bagong talagang Obispo ng Butuan ay siya na ngayong mangangasiwa sa higit isang milyong katoliko sa diyosesis na may higit sa 100 mga pari at 52 mga parokya.
Ngayong taon, limang bagong obispo na ang itinalaga ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas kabilang sina Daet Bishop Rex Alarcon; San Jose de Antique Bishop Marvyn Maceda na kapwa itinalaga noong Enero at Bishop-elect Fidelis Layog bilang auxiliary bishop ng Lingayen-Dagupan.
Sa kasalukuyan may limang pang diyosesis sa 86 na diyosesis sa Pilipinas ang ‘sede vacante’ o walang nangangasiwang obispo na kinabibilangan ng Jolo-Sulu; Iligan; Malolos; San Jose Mindoro at Taytay.