306 total views
Dalawang Filipino Youth ang magiging kinatawan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth (CBCP-ECY) sa isasagawang pre-Synod of Bishops on the Family gathering sa Roma sa March 19-24, 2018.
Ayon kay Fr. Cunegundo Garganta, Executive Secretary ng CBCP-ECY ito ay sina Gerald Rey Opiya ng Palo, Leyte at Alyana Therese Pangilinan ng Bacolod.
“It is their understanding of who are our young people of today. And their situation in the community in the church in these days. We can still see this as very much marked of our Filipino youth that our Filipino youth are still religious and practicing the faith,” ayon kay Fr. Garganta.
Paliwanag ni Fr. Garganta sina Opiya at Pangilinan ang magiging tinig ng kabataang Filipino sa Roma para ipahayag ang kasalukuyang sitwasyon bilang kabataan sa bansa at sa mga kinakaharap na suliranin ng kabataang Filipino sa kasalukuyang panahon.
“But that reality is being challenge with the culture that our young people are into at these modern times like the situation of the challenges of being millennials. The situation of being faced with the reality of moral issues especially to young people moral values.” pahayag ni Garganta.
Ang pagtitipon ay bilang paghahanda sa isasagawang Synod of Bishops on the Family sa October 2018.
Sa ulat, may 300 kabataan mula sa iba’t ibang bansa ang inanyayahan na dumalo sa pre-synod na layong pulsuhan ang mga ito sa kasalukuyan sitwasyon hindi lamang sa pananampalataya kundi maging sa usaping panlipunan.
Sa hiwalay na pahayag sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na mahalagang sukatan ng kalagayan at mga nangyayari sa lipunan ang mga kabataan.
Ayon kay Cardinal Tagle, ito ang dahilan kung bakit nagpatawag ang Santo Papa Francisco ng preparatory assembly na dadaluhan ng mga kabataan sa iba’t ibang bahagi ng mundo para mapakinggan ang kanilang karanasan at magkakaroon ng pagkakataon ang mga Obispo na pakinggan ang kanilang mga hinaing at kalagayan.
“Minsan, meron naman tayong tamang analysis tungkol sa youth pero mas maganda na manggaling sa kanila,” ayon kay Cardinal Tagle sa ginanap na Truth Forum sa Radio Veritas.
Ito rin ang magiging daan sa pagiging aktibo ng mga kabataan sa paghuhubog ng misyon ng simbahan at direksyon ng mundo.
Sinabi ni Cardinal Tagle na mahalagang sa mga kabataan na mismo manggaling ang kanilang nakikitang kalagayan ng lipunan at kung paano ito mabibigyan ng katugunan.
Ayon kay Cardinal Tagle, marami sa mga kabataan sa ang nabubuhay at lumalaki sa refugee camp dahil sa kaguluhan at lantad din sa pag-aabuso at pagsasamantala.
“This will be an interesting synod na makikinig ang mga obispo sa mga kabataan at hindi lamang para tayong matatanda ay tutulong sa kabataan kundi ang kabataan ay magiging aktibo sa paghuhubog ng misyon ng simbahan at ng direksyon ng mundo,” ayon kay Cardinal Tagle.
Sa pananaw naman ni Cardinal Tagle sa kabataang Filipino, sinabi niyang hindi nahuhuli ang mga ito sa trend o maisasalarawan bilang ‘worldwide culture of the young’ bagama’t makikita pa rin sa kanila ang pagiging Filipino.
”May distinctive Filipino character. From the perspective ng simbahan ang mga kabataang Filipino ay nahubog pa rin sa pananampalataya. Thanks to popular devotion, piety. Kapag may mga pilgrimage, mga prusisyon sumasama. Hindi ikinakahiya ang kanilang pananampalataya. Tapos isa pang ano ang energy at ang saya ng kabataang Filipino,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Sa Pilipinas, base sa 2016 Annual Poverty Indicators Survey (Apis) 1 sa bawat 10 Filipino na nasa edad 6 hanggang 24 o 3.8 milyon ang out of school.
Ito ay 10 porsyento ng 39 milyon na kabataan sa edad 6 hanggang 24 na taon.
Ang Synods of Bishops ay nagsimula noong 1965 sa pamamagitan ng kautusan ni Pope Paul the 6th at isinasagawa tuwing ikatlong taon.