479 total views
Naniniwala ang Archdiocesan Commission on the Laity ng Archdiocese of Cebu na mahalagang tulungan ang mga nalulong sa bisyo na makapagbagong buhay.
Ayon kay Fe Barino ang chairperson ng komisyon ito ang layunin ng Surrender to God Recovery and Renewal Program o SuGOD ng arkidiyosesis na itinatag noong Agosto 2016 bilang pakikiisa ng simbahan sa malawakang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Barino na ang pagkalinga ng lipunan sa mga naligaw ng landas ay makatutulong sa mas mabilis na pagbabago ng mga sumailalim sa programa.
“The more that we involved them, to make them feel that they are part of us, the more that they will be encourage to help themselves na makabalik sa tamang landas,” pahayag ni Barino sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng opisyal na marami ang dumulog sa drug rehab program ng arkidiyosesis lalo’t ito’y libreng ipinagkakaloob sa tulong ng iba’t ibang sektor na sumuporta sa programa.
Makalipas ang limang taon ng programa mahigit na sa dalawang libong indibidwal ang natulungan na makabalik sa lipunan at pamilya.
Bukod sa spiritual nourishment ng mga drug surrenderers sumailalim din ito sa skills and livelihood training sa pamamagitan ng Durus Academy Program bilang konkretong hakbang sa tuloy-tuloy na pagbabago.
“Ini-improve namin ang SuGod program, binigyan namin sila ng skills training partikular sa constructions skills; as part of their recovery mayroon na silang trabaho,” ani Barino.
Malugod na ibinahagi ni Barino na humigit kumulang 100 drug surrenders na nagtapos sa Durus Academy Program ang sub-contractor ng isang kilalang land developer sa Cebu.
Aniya, mas mabilis nakatapos ng proyektong bahay ang mula sa programa kung saan pulido at dekalidad ang output ng grupo.
Personal na pinamahalaan ni Barino ang drug rehab program bilang bahagi ng kanyang adbokasiya ng tumulong sa nangangailangan sa lipunan at pagsasabuhay na rin sa misyon bilang kristiyano.
“I feel so blessed, this is a divine intervention, the gift of Christianity that God has given us especially during this time that we are celebrating 500YoC,” saad pa ni Barino.
Samantala, sinabi pa ni Barino na makatutulong din ang drug rehab program sa isinasagawang pre-synodal consultations ng simbahan sapagkat maraming kwento ng karanasan ang maibabahagi ng mga nalulong sa bisyo.
Apela nito sa mamamayan na ipakita ang habag at awa sa mga naligaw ng landas sa halip na kundenahin sapagkat kailangan nila ang tulong ng lipunan upang makapagbagong buhay.