7,895 total views
Dalawang simbahan sa Pilipinas ang kabilang sa 15 simbahan sa mundo na pinagkalooban ng first class relic ni San Isidro Labrador.
Ito ay inisyatibo ng Archdiocese of Madrid, Spain bilang pagtapos sa Jubilee Year sa ika – 400 anibersaryo ng pagiging banal ni San Isidro Labrador.
Kabilang sa pinagkalooban ni Madrid Archbishop Cardinal Carlos Osoro Sierra ng relikya ng santo ang Diocesan Shrine and Parish of San Isidro Labrador sa Pulilan Bulacan at ang San Isidro Parish- Makiling sa Calamba Laguna.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Shrine Rector at Parish Priest Fr. Dario Cabra,l ikinagalak nito ang pagkapili ng dambana sa Bulacan na isa sa mabibigyan ng relikyang makatutulong mapalago ang debosyon sa santo.
“Nakatutuwa at magandang balita ito na muli tayong makatanggap ng relic ni San Isidro dahil sa kanyang mga halimbawa mas mapalawak natin ang debosyon at sa pamimintuho ng tao ay mas lalalim ang ugnayan sa Panginoon sa tulong panalangin ng santo,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cabral.
Ibinahagi ni Fr. Cabral na unang nakatanggap ng first class relic ng santo ang dambaba sa Bulacan noong nakalipas na taon nang binuksan sa Spain ang Jubilee Year ng santo.
Nagagalak din si San Isidro Labrador-Makling Parish Priest Fr. Francis Eugene Fadul sa pagtanggap ng relikya lalo’t naghahanda ang simbahan sa pagdiriwang ng ika – 25 anibersaryo ng pagkatatag sa 2025 kaya’t karangalang makatanggap ng relikya.
Personal na tinanggap ni Fr. Fadul ang relic habang si Fr. Dennis Pineda, OSA naman ang tumangap para sa dambana sa Pulilan Bulacan.
Ang relic ay mula sa kapirasong balat sa hindi naaagnas na katawan ni San Isidro Labrador na kasalukuyang nakalagak sa Real Colegiata Iglesia de San Isidro sa Spain.
Si San Isidro Labrador ang tinaguriang patron ng mga magsasaka na namatay noong November 30, 1172 at naging ganap na santo ng simbahan noong March 12, 1622 kasama nina San Ignacio de Loyola, San Francisco Javier, Santa Teresa ng Avila at San Felipe Neri.