184 total views
Nasasaad sa banal na kasulatan sa Kawikaan kabanata 22 talata 16 na ang umaapi sa mahihirap para magpayaman ay mauuwi rin sa karalitaan.
Ito ang babala kapag naging batas ang panukalang 2-taong probationary period sa mga manggagawa mula sa kasalukuyang anim na buwan na mariing tinututulan ng Filipino Nurses United.
Iginiit ng grupo na ang nasabing hakbang ay magpapalala sa kalagayan ng mga manggagawa kabilang na ang mga health worker na kasalukuyang nakaranas ng overworked.
“The Filipino Nurses United, a national organization of nurses in public and private sectors, vehemently opposes the extension of the probationary period of workers from six months to two years. This bill will further aggravate the deteriorating work conditions of thousands of workers including health workers and nurses who are at present already overworked and underpaid.”pahayag ng grupo
Ang House bill no. 4802 ni Probinsyano Partylist Representative Jose Singson Jr. na naglalayong gawing 24 na buwan ang probationary period upang higit na makilatis ng mga employer ang mga empleyado.
Iginiit ng FNU na ang mga nurse sa ilalim ng probationary period ay kadalasang nakatatanggap ng mas mababa sa minimum wage at walang benepisyo.
Sa pampublikong pagamutan nasa pagitan ng 18, 000 hanggang 20, 000 piso ang sahod kada buwan habang sa pribadong ospital naman ay nasa 8, 000 hanggang 10, 000 piso lamang ang tinatanggap na lagpas sa walong oras ang pagtatrabaho.
Sinabi ng FNU na ang nasabing halaga ay malayo sa 36, 000 pisong living minimum wage para sa pamilyang may anim na kasapi na labis magpapahirap sa manggagawa.
Nauna nang tinutulan ng Simbahang Katolika ang panukala ni Singson na sinasabi ni CBCP-NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Fr. Edu Gariguez na hindi makatarungan at lalong magpapalala lamang sa kontraktuwalisasyon sa bansa.
Nanindigan ang grupo ng mga nurse na sapat ang pagiging pasado sa Nursing Licensure Examination upang patunayan na hindi na kinakailangan ang dalawang taong probationary period.
“The truth is that nurses do not need two years of probationary period in order to prove their value to the employer. Registered Filipino nurses have passed the Nursing Licensure Examinations (NLE), a proof that their extensive undergraduate training has provided them the essential skills, talents and qualifications to work in any health or health-related nursing jobs.”paglilinaw ng FNU
Sa Populorum Progressio ni Saint Paul VI, inihayag nito na kasabay ng pag-unlad ng ekonomiya ng isang bansa ang pagsulong sa mamamayan kabilang na ang pagbibigay ng wastong pasahod at benepisyo sa mga manggagawa.