168 total views
Suportado ni Father Joel Saballa, CFIC ang panawagan ng mga guro para sa dalawang linggong ‘health break’ sa mga lugar na sakop ng COVID-19 Alert level 3 status.
Ayon kay Fr. Saballa, isa sa mga anchor ng Hello Father 911 Monday Edition ng Radio Veritas na marami nang mga guro ang nagkakasakit dahil sa epekto ng COVID-19 na dinagdagan pa ng banta ng Omicron variant.
“Nakita natin ‘yung hirap ng mga guro. Ang dami pong guro ngayon na maysakit at minsan ‘yung mga guro ay hirap na hirap at pagod na pagod na. Mahina na nga ‘yung internet at the same time, sumabay pa itong ating season ng ubo at sipon at dumagdag pa itong banta ng Omicron variant,” pahayag ni Fr. Saballa sa panayam ng Radio Veritas.
Hinihiling din ng pari na nawa’y mabigyang-pansin ng Department of Education ang hangarin ng mga guro na mabigyan ng pahinga hindi lamang sa pagtuturo, kun’di maging sa iba’t ibang stress na dulot ng pandemya na kalauna’y humahantong na sa suliranin sa mental health.
“Baka pwedeng mai-konsidera ng Department of Education ang pansamantalang pahinga… para ito sa kabutihan kasi ‘yung mental health, dagdagan mo pa yan, yung takot natin sa COVID at sa Omicron nagsasabay-sabay na,” ayon sa pari.
Sa isinagawang Google Form survey, lumabas dito na 55-porsyento ng mga teacher-respondents sa Metro Manila ang mayroong sintomas ng trangkaso.
Bagamat mayroong mga sintomas, karamihan sa mga guro o 84 na porsyento ng mga respondents ang nagsabing patuloy pa rin sila sa kanilang pagtuturo o pagtatrabaho sa pamamagitan ng online.
Habang 90-porsyento naman ng mga guro ang nagsasabing kailangan nila ng “health break” upang gumaling sa mga iniindang karamdaman.