17,685 total views
Umabot sa mahigit 20 mga simbahan at dambana sa Arkidiyosesis ng Maynila ang itinalagang Jubilee Churches ng arkidiyosesis para sa nakatakdang Ordinary Jubilee of the Year 2025.
Ayon sa Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, mahalagang samantalahin ng mga mananampalataya ang biyayang hatid ng pananalangin at pagbisita sa mga itinalagang jubilee churches bilang paggunita sa idineklarang Jubileo ni Pope Francis para sa susunod na taong 2025.
Bilang higit na pagpapalawig sa misyon ng Simbahan na maging daluyan ng habag, awa at pagmamahal ng Panginoon sa bawat nilalang ay kabilang sa partikular na tinukoy ng arkidiyosesis ang mga Simbahan na maaring bisitahin ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang higit na maging epektibo sa pagbabahagi ng tunay na diwa ng Taon ng Jubileo at ng iba pang mga sakramento lalo’t higit ang sakramento ng kumpisal.
Kabilang sa mga partikular na sektor na tinukoy ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mga opisyal ng pamahalaan; mga may karamdaman, kapansanan at health care workers; mga kabataan at mag-aaral; mga katekista at ibang church volunteer workers; mga mahihirap at ulila; mga Persons Deprived of Liberty at kanilang pamilya; mga migrants at refugees; mga digital communicators; mga kabilang sa iba’t ibang mga denominasyon; mga nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan; mga matatanda; mga negosyante at mamumuhunan; mga young professionals; mga guro; at mga manggagawa.
Samantala, idineklara rin bilang Jubilee Churches ang ilang mga pambansang dambana at minor basilica na matatagpuan sa Arkidiyosesis ng Maynila na kinabibilangan ng Minor Basilica of the Immaculate Conception o mas kilala bilang Manila Cathedral; National Shrine of Saint Jude Thaddeus; Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church; National Shrine of Saint Michael & The Archangels; at Minor Basilica of San Sebastian o Our Lady of Mount Carmel Parish.
Attached List of Jubilee Churches: