314 total views
Mananatili pa rin sa 20-percent seating capacity ang religious gatherings sa Diyosesis ng Baguio kahit na binuksan na muli para sa mga fully vaccinated na turista ang lungsod.
Ayon kay Baguio Bishop Victor Bendico, maliban sa pahintulot na muling makapasok ang mga turista sa lungsod ay wala namang ipinalabas na panibagong panuntunan si Baguio City Mayor Benjamin Magalong hinggil sa kapasidad ng mga maaaring dumalo sa iba’t ibang gawain sa loob ng mga simbahan partikular na sa Our Lady of the Atonement Cathedral o Baguio Cathedral na dinarayo rin ng mga turista.
“Basically wala naman kaming pinalabas na bagong policy. The same pa rin kasi si [Mayor Magalong], as of now ay hindi naman niya binago ‘yung seating capacity,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, maliban sa Baguio City, nanatili naman sa 30-percent seating capacity ang pagsasagawa ng mga religious activities sa lalawigan ng Benguet.
Bagamat, inaasahan ang pagdagsa ng mga turista sa Baguio City, patuloy namang ipinapaalala at sinusunod ng Diyosesis ang minimum health protocols bilang pag-iwas sa COVID-19 transmission.
“Nire-remind namin palagi sa announcement sa mga misa ‘yung wearing of face masks, face shields at saka ‘yung proper hygiene,” saad ni Bishop Bendico.
Batay sa anunsyo ni Mayor Magalong, bago tuluyang makapasok sa lungsod ay kinakailangan pa rin ng mga turista–matanda man o bata–na magpakita ng negative COVID-19 test result at sundin ang routine entry protocols sa pamamagitan ng pagre-register sa Visitor Information and Travel Assistance application o Visita.
Ayon naman sa huling tala ng Baguio City COVID-19 Monitoring, 44 lamang ang bilang ng panibagong kaso sa lungsod, kaya sa kasalukuyan ay nasa 743 na ang bilang ng aktibong kaso.