402 total views
Mahalaga ang pagkakaroon ng mga livelihood programs at skill-based training sa mga pamayanan upang matulungan at mabigyan ng kabuhayan at trabaho ang mahihirap.
Ito ang mensahe ni Father Anton CT Pascual – Pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila sa pag-apruba ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Php200 monthly allowance sa loob ng isang taon sa 50% pinakamahihirap na pamilya.
Kinilala at ikinagalak din ng Pari ang inisyatibo ng pamahalaan upang matulungan ang mahihirap upang sila’y makakain ng tatlong beses sa isang araw.
“Tayo po ay natutuwa na ang gobyerno ay tumutugon sa problema ngayon ng pag-taas ng gasolina at alam po natin na tataas ang lahat ng bagay lalu na yung pagkain at ang maapektuhan ay yung mahihirap, kaya yung dalawang daan kada buwan na ibibigay sa mahihirap ay isang welcome program stop-gap na tinatawag ng pamahalaan,”pahayag ni Fr.Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Gayunman, iginiit ni Fr.Pascual na kulang ang dalawang 200-piso kada buwan na ayuda ng gobyerno.
Iminungkahi ng Pari na mahalaga ang paglulunsad ng mga programang tutulungan din na magka-trabaho o makapag-simula ng sariling negosyo ang mga mahihirap na pamilya.
Ito ay sa pamamagitan ng paglulunsad ng lokal na pamahalaan sa baranggay levels ng mga programang pangkabuhayan at pagsasanay upang mapalawig pa ang kaalaman sa pagnenegosyo at magkaroon ng karagdagang kasanayan sa pagtatrabaho.
“Kaya mahalaga din na mabigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap na magkaroon ng other livelihood opportunities at yaan ay magandang programa ng pamahalaan sa lebel ng Baranggay na ang mga mahihirap ay maipon at bigyan ng massive skills training na puwede nilang gamitin sa pagnenegosyo o sa pagtatrabaho”.pahayag ni Fr.Pascual
Ipinaalala naman ni Father Pascual na mayroong mga kooperatiba at micro-finance institutions na maaring hiraman o magpahiram sa mamamayan ng pansimulang puhunan sa kanilang pagtatayo ng maliit na negosyo.
“Nariyan naman ang ating mga kooperatiba, mga micro-finance na pwedeng magbigay ng puhunan sa mga micro-entreprenuers kaya’t may asset na magagamit natin sa community basta’t mahalaga na nagtutulong-tulong tayo sa lebel ng baranggay,” pagbabahagi pa ng Pari.