173 total views
Naninindigan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Permanent Committee on Public Affairs na kailangang pagtibayin ng ng Ikalabing–pitong Kongreso ang dalawang libong pisong dagdag sa pensyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System o SSS.
Ayon kay Lipa Batangas Archbishop Ramon Arguelles, napapanahon nang ibigay ng mga mambabatas ang nararapat para sa mga SSS pensioners.
Iginiit ng Arsobispo na walang dapat idahilan ang mga mambabatas dahil sa laki ng ginastos nila sa nakaraang halalan ay dapat rin nilang suklian ang tiwala ng taumbayan lalo ng mga matatandang umaasa na tataas pa ang kanilang buwanang pension.
“I would be very happy kapag ang mga SSS pensioners will receive talagang help from the government marami na rin silang nagastos para magbayad dun sa Venezuelan yung sa PCOS machine. Billion na ang nagastos, marami silang nagastos para sa kanilang sarili. I hope naman na ang pera ng bayan para sa ating mga pensioners who worked for it with their sweat and blood,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Hinimok rin nito ang Kamara na i–override ang pag-beto ng Pangulong Benigno Aquino III sa House Bill 5842.
“I would encourage the congress to veto to override the veto of the president. Sabi nila wala raw pondo pero may pondo para mandaya? Bakit may pondo para sa kalokohan? Kaya sana napupunta dapat sa mga pensioners natin,” giit pa ni Arguelles sa Radyo Veritas.
Nabatid na mula sa datos ng SSS na nasa 4 na milyon lamang ang naidagdag sa mga miyembro nito mula taong 2010 hanggang 2015.
Nauna na ring binanggit ni Pope Francis na kinakailangan pahalagahan ng lipunan ang mga matatanda at hindi dapat ina–abanduna sapagkat sila ang kayamanan ng kasaysayan.