337 total views
Hiniling ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Basic Ecclesial Communities sa mamamayan na ipagkatiwala sa Panginoon ang taong 2021 na malampasan ang anumang pagsubok na kakaharapin.
Ayon kay Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan, tulad ng nakalipas na 2020 na labis ang pagsubok sa lipunan ay napagtagumpayan ito sa tulong rin ng Mahal na Birhen.
“Let us hope for 2021 that by God’s grace and with the intercession of the Blessed Virgin Mary the Mother of God we will be able again to surpass all the trials in the coming years,” pahayag ni Archbishop Cabantan sa Radio Veritas.
Binigyang diin pa ng opisyal ng B-E-C ang higit na pagtibay ng samahan ng mga pamilya upang maging matatag sa pagharap ng anumang hamon.
Sinabi ni Archbishop Cabantan na maraming dapat natutuhan ang mamamayan sa pagpatupad ng lockdown sa buong daigdig tulad ng pagpahinga ng kalikasan at pag-igting ng pagdadamayan ng kapwa.
“I hope that we shall also consider all these lessons in this pandemic and lockdown and try to live responsibility in our lives truly; to care for ourselves, care for one another and to care for our common home,” ani Archbishop Cabantan.
Sa taya ng World Bank humigit kumulang sa tatlong milyong katao ang naghirap sa pagtapos ng 2020 dahil sa negatibong epekto ng pandemya sa sektor ng pamumuhunan kung saan maraming negosyo sa bansa ang nagsara dahil sa pagkalugi.
Dahil dito, patuloy na hinimok ni Archbishop Cabantan ang bawat mamamayan na mas paigtingin ang pagtutulungan at palawakin ang pakikipagkapwa upang maibsan ang paghihirap na dinaranas ng iba.
Matatandaang nang magsimulang ipatupad ang lockdown sa bansa ay agad na kumilos ang social action network ng bansa na kinabibilangan ng Caritas Philippines at Caritas Manila na nakapag-abot ng mahigit isang bilyong pisong halaga ng tulong sa mahigit isang milyong indibidwal sa Pilipinas partikular na sa kalakhang Maynila.