376 total views
Nagpapasalamat si Zamboanga Sibugay fisherfolk leader Roberto “Ka Dodoy” Ballon sa natanggap nitong parangal bilang 2021 Ocean Hero Awardee na ginawad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Oceana Philippines.
Ayon kay Ballon na isa ring 2021 Ramon Magsaysay Awardee, ang gantimpalang kanyang natanggap ay lalong nagbigay ng lakas ng loob at pag-asa upang ipagpatuloy ang pagtatanggol sa karapatan ng mga mangingisdang nangangalaga sa mga karagatan ng bansa.
“Sana’y sa pamamagitan ng mga parangal na kumikilala sa amin [mangingisda] at sa karapatan namin ay mas mapalakas pa natin ang boses ng mga mangingisda. Panahon na upang pakinggan naman kami ng pamahalaan sa usapin ng pangangalaga sa ating karagatan,” pahayag ni Ballon.
Kabilang si Ballon sa mga maliliit na mangingisda na sumusuporta at nakikilahok sa online fisherfolk classroom na bahagi ng kampanya ng Oceana upang maitatag ang Fisheries Management Areas (FMA) system.
Mariin nitong tinutulan ang ilegal na pagpasok ng mga komersyal na barkong pangisda sa loob ng municipal waters na isa sa pinakamabigat na hamon na hinaharap ng pangisdaan at mga mangingisda sa kasalukuyan.
Samantala, sinabi naman ni Oceana vice president, Atty. Gloria Estenzo Ramos na mapalad na nakatuwang ng organisasyon si Ballon upang mapangalagaan ang municipal waters ng Zamboanga Sibugay at iba pang bahagi ng bansa.
“It is always heartwarming to see the hard work of our municipal fisherfolk who have effectively adapted to the new normal of pushing for advocacies during this pandemic,” saad ni Ramos.
Ang Ocean Heroes Award ay sinimulang igawad noong 2016 bilang pagkilala sa mga indibidwal na nangangalaga sa Tañon Strait Protected Seascape na patuloy na kumikilos para sa pangangalaga sa mga karagatan at nagtataguyod sa mga polisiyang nakabatay sa agham hinggil sa wastong pangangasiwa ng pangisdaan.
Walong mangingisda mula sa Tañon Strait ang nauna nang ginawaran bilang Ocean Heroes noong 2016 at 2017.
Nasasaad sa Saligang Batas ng 1987 na tungkulin ng estadong pangalagaan ang karapatan ng maliliit na mangingisda bilang mga may natatanging karapatang pakinabangan ang likas-yaman sa karagatan.
Sa apostolic exhortation ni Pope Francis na Evangelii Gaudium, sinasabi rito na tungkulin ng estado na pangalagaan at itaguyod ang kabutihan ng lahat ng miyembro ng lipunan, kabilang na ang mga mangingisda.