1,600 total views
Tiwala ang Mababang Kapulungan na maipapasa ang panukalang P5.768 trilyong pisong budget para sa taong 2024 bago ang unang recess ng ikalawang regular session ng 19th Congress sa Oktubre, 2023.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, hangad ng Department of Budget and Management (DBM) na maisumite sa Kongreso ang panukalang budget sa loob ng isang linggo matapos ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Tatapusin natin ‘yung budget before our October break. We average five weeks of solid work on budget deliberations, consideration, review, and approval through third reading. So, we are confident with the processes and protocols and procedures that we have na matatapos natin ang ating national 2024 budget. That is the most important piece of legislation,” ayon kay Romualdez.
Sinabi ng mambabatas na layunin ng budget na mapanatili ang paglago ang ekonomiya ng bansa, makalikha ng mapapasukang trabaho para sa mga Pilipino at mapaganda ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng naaayong serbisyo publiko gaya ng edukasyon, pangkalusugan, at imprastraktura.
Susuriin din ng Kamara kung papaano ginagamit ng iba’t ibang ahensya ang budget sa kasalukuyan at kung papaano inaasahang gagamitin ang budget para sa 2024 kaugnay ng mga naipasang batas ng Kongreso gaya ng New Agrarian Emancipation Act.
“The emancipation law lifted the debt burden of our farmers. In other words, na-exempt na ang ating mga magsasaka dito sa kanilang mga utang sa acquisition ng lupa nila. We think that is one of the cornerstones of our President’s legislative agenda. He promised this last year, hindi lang na-promise nagawa, napirmahan na,” ayon pa kay Romualdez.
Binigyan-diin ni Romualdez na matiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas sa kabila ng inaasahang tagtuyot.
Iginiit din ni Romualdez na sa tulong ng Senado at ng Pangulo, ipagpapatuloy ng Kamara ang pagsulong ng Build Better More program na makalilikha ng maraming trabaho at oportunidad na kumita.
Hinimok din ni Speaker Romualdez ang mga ahensya ng gobyerno na tapusin sa oras ang mga nakalinyang programa, proyekto, at aktibidad sa ilalim ng taunang budget.
Ang panukalang budget para sa susunod na taon ay mas mataas ng P500 bilyon kumpara sa P5.268 trilyong budget ngayong taong 2023.
Sa ilalim ng Konstitusyon, ang Pangulo ay binibigyan ng 3- araw para isumite ang panukalang budget sa Kongreso matapos ang kanyang SONA.