163 total views
Ikinagalak ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs ang inaprubahang pondo ni Pangulong Rodrigo Duterte na makatutulong sa mga magsasaka.
Ayon kay Lipa, Batangas Archbishop Ramon Arguelles, chairman ng komisyon, matagal ng hinihintay ng mga magbubukid ang P21 bilyong pisong financial assistance na ipagkakaloob sa kanila.
Ito’y isang kasunduan na magbibigay benipisyo sa mga mahihirap na pamilya na kabilang sa Conditional Cash Transfer program ng pamahalaan.
Isinisi naman ni Archbishop Arguelles sa kapabayaan ng pamahalaan sa mga magsasaka kaya’t nagpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas at gulay.
Iginiit pa nito na dapat pagmalasakitan ng gobyerno ang mga magsasaka lalo’t lumiliit na ang kanilang bilang na nasa 11.6 na milyon na lamang sila mula sa mahigit 100 milyong populasyon ng bansa.
“That’s good news sapagkat matagal ng dapat bigyan yan ng pansin ng gobyerno yung mga manggagawang magsasaka na matulungan na makaipon sila. Tulad niyan nagmamahal ang presyo ng mga pagkain dahil hindi inaalagaan ang ating mga magsasaka. Yung mga maliliit na tao dapat inaalagaan yan dahil sila ang nagbibigay sa atin ng pagkain,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Samantala, batay naman sa pag – aaral na inilabas ng NEDA o National Economic Development Authority ukol sa agrikultura o industriya sa pagkain sa Pilipinas. Nasa 11 porsyento lang ang halaga ng agrikultura sa kabuuang ekonomiya ng bansa.
Nauna na ring nag – alay ng panalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco nitong buwan ng Abril para sa mga magsasaka na kung saan ipinanawagan nitong makatanggap ng makatarungang pagkilala ang pamahalaan sa mga maliliit na magsasaka.