153 total views
Umabot na sa 22 ang bilang ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nasawi sa labanan sa Tipo-Tipo Basilan kung saan 18 sundalo ang napatay din noong Sabado.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, kabilang sa mga napaslang ang anak ng ASG leader na si Ubaida Hapilon at ang Moroccan national na nagtuturo sa paggawa ng improvised explosive devised (IED) na si Mohammad Khattab
Ipinaliwanag naman ni Gen. Padilla na marami rin ang nalagas sa hanay ng mga sundalo dahil sa marami ang mga rebeldeng grupo na nag-ipon-ipon sa lugar na nakasagupa ng 44th Infantry Battalion.
“Noong operasyon noong Sabado parte po ng naging operasyon ng ilunsad noong nakaraang taon, bahagi ito ng pagtugis sa mga Abu Sayyaf na nagpapatuloy ng kidnap with ransom activities kabilang ang kanilang radical at extremist activist sa Basilan, isa ito sa pinakamalaking inilunsad na operasyon namin at maraming target, kabilang na ang mga lider ng ASG na namatay din sa sagupaan, maraming casualties sa hanay ng kasundaluhan dahil ang maliliit na grupo ng mga rebelde ay nagtipon-tipon sa lugar kung saan lumusob ang mga sundalo.” Pahayag ni Gen. Padilla sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa operasyon, 60 sundalo pa ang nasugatan.
Una ng inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang sagot para makamit ang kapayapaan ay hindi dapat tugunan ng pag-aarmas ng magkabilang panig kundi ng tahimik na dayalogo.
Sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), simula ng sumiklab ang digmaan sa Mindanao, nasa mahigit 60,000 na ang nasawi, 2 milyon ang internal refugees, 535 na mosque ang nasira, 200 paaralan ang nawasak at P6-Bilyon na ang pondong nailaan para sa pagtugis sa mga bandido at rebelde sa rehiyon.