513 total views
Ang pagpapadala ng mga misyunerong pari ng Archdiocese of Caceres sa iba’t ibang lugar ay isang paraan ng aktibong pagpapasalamat sa biyaya ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Panginoon.
Ito ang ibinahagi ni Rev. Fr. Gerome Pelagio – Mission Director ng arkidiyosesis kaugnay sa ika-25 anibersaryo ng Caceres Mission Aid Program na nangangasiwa sa pagpapadala ng mga misyunerong lingkod ng Simbahan ng arkidiyosesis sa iba’t ibang lugar.
Ayon sa Pari, ang programa ay isa ring aktibong pagtugon ng Arkidiyosesis ng Caceres sa misyon na iniatang ng Panginoon na patuloy na palaganapin ang Mabuting Balita sa mas nakararami.
Sinabi ni Fr. Pelagio na hindi lamang natatapos ang pagmimisyon ng mga pari sa pagbabahagi ng Ebanghelyo dahil makabuluhan rin ang kanilang mga karanasan at mga natutunan mula sa mga bagong nakikilala at nakakasalamuha.
“The archdiocese sends priests as an expression of gratitude for the gift of faith. This is part the mission cooperation of the universal church. The diocesan missionary priests help in the evangelization but they are also helped in their ongoing formation.” mensahe ni Fr. sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng Pari na simula taong 1992 ay aktibo na ang arkidiyosesis sa pagpapadala ng mga misyunerong pari sa iba’t ibang lugar at ganap na naisapormal noong May 27, 1997 ng itatag ni dating Caceres Archbishop na si Leonardo Legaspi, OP ang Caceres Mission Aid Program.
“It was on May 27, 1997, 25years ago, during a monthly assembly of priests, when Most Rev. Leonardo Legazpi, O.P., D.D., and 79 priests voted to formalize our sending of priests which had started in 1992 and called this the Caceres Mission Aid Program.” Dagdag pa ni Fr. Pelagio.
Batay sa tala ng Caceres Mission Aid Program, may kabuuang 96 na mga misyunerong Pari ang nasa misyon sa iba’t ibang lugar kung saan 24 sa mga ito ang nasa iba’t ibang diyosesis sa Pilipinas habang 72 sa iba’t ibang bansa na kinabibilangan ng Archdiocese of Castries, Saint Lucia, Archdiocese of Wellington and Diocese of Christchurch in New Zealand; Dioceses of Regina, Canada; Hsinchu, Taiwan; Pagopago, American Samoa; Dioceses of Green Bay; Greensburg; Ogdensburg; Phoenix; Reno, at Richmond, U.S.A.
Unang inihayag ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona na hindi karagdagang tungkulin ang pagiging misyunero ng Simbahan.