172 total views
Dapat matulad sa pagmimisyon ni Hesus na mayroong hirap at pasakit ang pagmimisyon na ninananais ng mga kandidato na maging lider ng bansa.
Ayon sa kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle, Arsobispo ng Maynila, maging ang mundo ng pulitika ngayon ay punong-puno ng siraan at pang-aapak sa kapwa matupad lamang ang ambisyon na maluklok sa kapangyarihan.
Inihayag ni Cardinal Tagle na ang hangarin ng mga pulitiko ay ibang-iba sa pagtupad ng misyon ni Hesus na may paghihirap, pagdurusa at pagsasakripisyo upang makapaglingkod ng tapat sa sangkatauhan.
“Nakakalungkot, mukhang ganyan din ang takbo ng ating pulitika. Sige siraan na lang, totoo man o hindi bahala na basta mapabagsak mo yung isa at pagbagsak mo yung isa, tataas ka, natupad na! naganap na! Uhaw na uhaw sa posisyun, uhaw na uhaw sa tagumpay, uhaw na uhaw sa kayabangan!” pahayag ni Cardinal Tagle.
Iginiit ni Cardinal Tagle na ang pagmimisyon na may pagkauhaw sa tagumpay at kayabangan ay magpapahamak sa atin hindi tulad ni Hesus na tumupad ng misyon na may kaakibat na pagsasakripisyo at pagpapaalipin sa ngalan ng paglilingkod.
“Ang tumutupad sa misyun na makamundo magpapahamak hindi magliligtas. Pero nakakalimutan mauhaw sa misyun ayon sa Diyos, hindi misyon na dinidikta ng misyon, tanging ang nauuhaw at tumutupad sa misyon galing sa Diyos ang makapagliligtas,” pagninilay ni Cardinal Tagle
Pinaalalahan din ng Kanyang Kabunyian ang mga taong gumagamit sa Diyos upang pahirapan at pagsamatalahan ang kahinaan ng kapwa.
“Ang medyo nakalulungkot nga rin po may ibang mapagsamantala na ginagamit ang paghihirap ni Hesus para paghirapin ang kanilang kapwa. At sasabihin yan tularan mo si Hesus. Mga kumpanya na hindi ibibinigay ang tamang pasuweldo sa kanilang mga empleyado at habang naghihirap ang empleyado sasabihin ng boss okey yan nakikiisa ka sa pagahihirap ni Hesus. Mga babae na pinagsasamantalahan, binubusabos at pagkatapos sasabihan sila, tanggapin mo na lang yan napapalapit ka kay Hesus. Mag-ingat po tayo, hindi tinuro sa atin na tayo ay magbigay ng pagdurusa at paghihirap sa iba at gagamitin natin si Hesus. Si Hesus ay hindi nagpahirap ng kapwa,” pahayag pa ng Kardinal
Samantala, ang Simbahang Katolika ay nasa loob pa rin ng pagdiriwang ng taon ng awa at habag ng Diyos kung saan katatapos lamang ipagdiwang at gunitain ang mahal na araw, ang 40-araw na pag-aayuno para sa paghihirap sa krus, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo na siyang sandigan ng pananampalatayang katoliko sa buong mundo.